Maging responsableng biyahero, may COVID pa
- BULGAR
- Dec 11, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 11, 2021
Naging bahagi na ng “new normal” ang pagsagot ng health declaration forms.
Ang impormasyong nakasaad dito tulad ng pangalan, address at contact number, gayundin kung may naramdamang sintomas ng COVID-19 ay mahalaga dahil ito ang ginagamit upang matunton ang mga taong may close contact sa isang suspected o confirmed COVID-19 patient.
Kaugnay nito, nagbigay-babala ang Department of Health (DOH) sa mga biyahero na sadyang magbibigay ng maling impormasyon sa kanilang health declaration form.
Ito ay sa gitna ng pagtunton sa mga biyaherong galing South Africa at sinabi ng DOH na mananagot ang mga ito kung mapatutunayang sinadya nilang magbigay ng maling impormasyon sa kanilang health declaration form, bagaman sinabi rin ng ahensiya na plano na nilang kasuhan ang naturang mga biyahero.
Binigyang-linaw ng isang opisyal ng DOH na mayroong batas sa notifiable diseases at nakasaad dito na kailangang tama ang impormasyon na ibinibigay, lalo na ngayong may public health emergency at kapag sinadya itong ibahin o maliin, may dapat managot.
Samantala, natunton na ng DOH ang isa sa kanila na napag-alamang naka-home quarantine at negatibo sa RT-PCR test, gayundin, walang anumang sintomas ng COVID-19 habang patuloy namang hinahanap ang pito pang OFWs.
Kung tutuusin, matagal nang problema ang maling impormasyon sa health declaration form at nakadidismaya na hanggang ngayon ay may gumagawa pa rin nito.
Bukod sa pahirap ito sa mga contact tracer, nailalagay pa sa panganib ang kalusugan ng ating mga kababayan.
Kaya naman, pakiusap sa mga lalabas o papasok ng bansa, maging responsible kayong biyahero.
Tandaan, may binabantayan tayong variant at ginagawa ang mga pag-iingat na ito upang magkaroon tayo ng ligtas na holiday season.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments