@Editorial | Abril 1, 2024
Kasabay ng Holy Week, marami pa rin ang naitatalang aksidente kabilang na ang pagkalunod.
Batay sa Philippine National Police (PNP), nakapagtala ng 29 na namatay sanhi ng pagkalunod sa iba’t ibang mga probinsya nitong Semana Santa.
Ayon kay PNP Spokesperson Pol. Colonel Jean Fajardo, mayroong kabuuang 56 na insidenteng may kinalaman sa Semana Santa ang nai-record ng PNP kung saan 34 sa mga ito ay insidente ng pagkalunod.
Ang Calabarzon ang may pinakamaraming naitalang nalunod, sinundan ng Ilocos region, Cagayan at Bicol region.
Samantala, bukod dito ay iniulat din ng kapulisan na sa kaparehong panahon ay mayroon ding insidente ng robbery at child abuse.
Sa mga nabanggit na insidente, kapansin-pansin na marami pa rin ang nasawi dahil sa pagkalunod.
Ito ay sa kabila ng paalala ng mga otoridad na laging mag-ingat kahit nakakalat ang mga tauhan ng resort at ang mga emergency rescue unit.
At ngayong tapos na ang Holy Week, tiyak marami pa rin ang magbabakasyon para makapag-swimming. Paalala sa mga nakatatanda, bantayang maigi ang mga bata. Pigilan din ang grabeng paglalasing para hindi maaksidente.
Huwag naman sanang tuwing Semana Santa o bakasyon ay may mga buhay na nawawala. Mas piliin nating maging ligtas. Huwag pasaway at ‘wag maging pabaya para aalis at uuwi tayo nang kumpleto, nakapagpahinga at masaya.
Comentarios