Maganda raw ang anak nina Aga at Charlene… ATASHA, TANGGAP NI RAMON ANG PARA KAY JACOB
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 10, 2025
Photo: Ramon Ang at Atasha Muhlach - FB IG
Nang humarap sa media ang billionaire businessman na si Ramon Ang upang ipahayag ang kanyang pagbo-volunteer upang tumulong sa paglutas ng problema sa baha sa Metro Manila, naisingit na itanong sa kanya kung ano ang impresyon niya kay Atasha Muhlach na nali-link ngayon sa bunso niyang anak na si Jacob Ang.
“Maganda si Atasha. She’s a fine lady!” papuri ni Ramon Ang. Nangangahulugan lang na aware siya sa panliligaw ni Jacob sa anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzales.
Si Ramon Ang ang CEO ng San Miguel Corporation, at makikipagtulungan daw ang SMC sa mga LGUs upang makahanap ng solusyon sa baha sa Metro Manila.
At dahil volunteer, walang hihinging budget si Ramon Ang sa mga LGUs — sarili niyang pera ang gagamitin.
Kailangan lang niya ang kooperasyon ng lahat ng mayor sa Metro Manila upang maisakatuparan ang kanyang mga gagawin kontra baha.
Sey naman ng mga netizens, sana, hindi lang si Ramon Ang ang mag-volunteer na tumulong na malunasan ang problema sa baha, kundi pati ang ibang mayayamang businessmen sa bansa tulad nina Henry Sy, Gokongwei, Razon at Villar.
NANINIWALA si Lian Paz na seryoso at sincere si Paolo Contis nang kanyang hilingin na makita o makapiling ang dalawa nilang anak na sina Xonia at Xalene.
Malalaki na ang mga ito at gusto na ng aktor na bumawi sa kanyang mga pagkukulang bilang ama.
Ang long-time partner ni Lian na si John Cabahug ang naging tulay upang makasama ni Paolo ang kanyang mga anak. Si John ang unang kinontak ni Paolo upang sabihin na gusto niyang makasama ang kanyang dalawang anak.
Sa isang panayam, nabanggit ni Lian na napatawad na niya si Paolo at ayaw niyang maging bitter sa buhay. Gusto rin niyang mapalapit ang kanyang mga anak sa kanilang ama. May permiso ni John ang pagkikita nila.
Well, finally mabubura na ang imahe ni Paolo Contis sa publiko na pabaya siyang ama. May reconnection na siya sa kanyang mga anak at magagampanan na niya ang obligasyon niya bilang ama.
MASAYANG-MASAYA at feel na feel ng aktres na si Yasmien Kurdi ang warm welcome sa kanya ng mga big bosses ng GMA Network.
Kahit two years siyang nagpahinga sa paggawa ng serye nang magbuntis sa kanyang pangalawang anak, open pa rin sa kanyang pagbabalik ang Kapuso Network.
Kaya excited siyang makita ang mga kaibigang Kapuso stars nang dumalo siya sa GMA Gala na bahagi ng 75th anniversary ng network.
Inimbita rin si Yasmien upang makasama sa shoot ng GMA Station ID kasama ang malalaking Kapuso artists. Suportado ng kanyang mister ang pagbabalik niya sa kanyang acting career lalo’t na-miss din niyang umarte.
Marami ang nagsa-suggest na magsama sila ni Jennylyn Mercado sa isang project, at mas okey kung makakasama rin nila si Katrina Halili na ka-batch nila sa StarStruck 1.
Open naman si Yasmien Kurdi sa anumang role na ibibigay sa kanya ng GMA-7. Gusto niyang mag-level-up ang kanyang pagiging aktres.
Sa ngayon, puwede ring mag-guest muna si Yasmien sa iba’t ibang shows ng Kapuso Network para sa kanyang exposure.