Mag-ingat sa Takotsubo
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 8, 2022
Hindi ito ordinaryong tagalog na salita dahil ang kabuuang tawag dito ay Takotsubo cardiomyopathy — ito ay temporary heart condition na karaniwang dulot ng stress, kahalintulad ito ng sintomas ng atake sa puso, ngunit hindi ito mula sa kahit anong may kaugnayan sa cardiovascular disease.
Ang Takotsubo cardiomyopathy ay mas kilala rin sa tawag na stress cardiomyopathy, apical ballooning o broken heart syndrome na karaniwan ay babaeng may edad 61 hanggang 76 anyos ang nagkakaroon nito.
Ang naturang kondisyon ay karaniwang agarang lumilitaw makaraang makaranas ng grabeng emotional o physical stress ang isang babae na madalas ay naipagkakamali o inaakala ng marami na itong heart attack.
Madalas na ang nagkakaroon ng Takotsubo cardiomyopathy ay nagmumula sa resulta ng pangyayari na masyadong mabigat ang nakapaloob na emosyon, tulad ng may nasawi, iniwan ng mahal sa buhay o kahalintulad ng sitwasyon.
Pangunahing nararamdaman ang pananakit ng dibdib at kakapusan ng paghinga kaya kailangan din agad na madala sa pagamutan ang nakararanas ng Takotsubo cardiomyopathy upang agad na mabigyan ng paunang lunas at karaniwang umaabot ng ilang araw hanggang isang linggo bago makarekober dito.
Unang natukoy ang sakit na ito sa Japan noong 1990 at ngayon ay maraming ulat na ng naturang kaso sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas na patuloy pang tinitiyak ng mga eksperto kung paano agad ito matutukoy sa unang pag-atake.
Tinawag itong ‘takotsubo’ cardiomyopathy dahil sa unang pahagi ng naturang syndrome ay nagkakaroon ng pag-umbok ang kaliwang bahagi ng puso o sa mismong left ventricle na isa sa apat na bahagi ng heart chambers o bahagyang lumalaki tulad ng lobo.
Ang hugis nito ay kahalintulad ng Japanese fisherman’s tako-subo na ang ibig sabihin ay octopus trap kaya tinawag itong Takotsubo cardiomyopathy na isang partikular na pananakit ng dibdib at panghihina, ngunit hindi ito ang karaniwang atake sa puso.
Karamihan sa ating mga kababayan ay dinadaluhan ang nakararanas nito sa pag-aakalang isa itong atake sa puso na kahit mayroong pagkakahawig ay walang makuhang ebidensya ang mga eksperto na mayroong pagbabara sa coronary arteries at mabilis ang recovery.
Kailangan lamang ng pangangalaga ng mga doktor sa pagamutan upang muling maisaayos na mapagana ang namaga o umumbok na bahagi ng puso upang maging normal na ang paghinga, mawala na ang nararamdamang pananakit nito at panghihina.
Ang karaniwang gamutan sa naturang sakit ay kinakailangan ng beta-blocker at angiotensin converting enzyme (ACE) inhibitor drugs dahil ang gamot na ito ang siyang nagpapalakas sa muscle ng puso upang mabilis na makarekober ang pasyente.
May pagkakataon din na nilalapatan ng anticoagulant drugs na siyang nagpapaluwag sa mga nagbabarang ugat na daluyan ng dugo upang maiwasang humantong sa stroke na posibleng mangyari at tinatayang nasa isa hanggang tatlong buwan bago tuluyang maideklarang magaling na ang pasyente.
May pagkakataon na magkaroon din ito ng banta sa buhay kung sakaling humantong naman sa mga komplikasyon, tulad ng heart failure, severe heart arrhythmias, blood clot, heart valve problems, cardiogenic shock o tuluyang humantong na sa pagkasawi.
Sa maagang pangangalaga ng cardiologist, karamihan sa may takotsubo cardiomyopathy ay mabilis na gumagaling at wala pang patunay na mayroon itong long-term heart damage base pag-aaral ng mga eksperto.
Kahit hindi pa natutukoy talaga kung ano ang pinagmumulan nito ay may mga inisyal nang pag-aaral na madalas na pagre-release umano ng stress hormones tulad ng norepinephrine, epinephrine, at dopamine ang nagpapabago sa heart muscle cells at coronary blood vessels.
Ang epekto ng hormone ay pinahihina nga ang left ventricle na kalaunan ay hihina ang pagbomba ng bahagi ng puso kumpara sa dating paggalaw nito at hihina na ang pag-ikot ng oxygen at daloy dugo sa buong katawan.
Ilan pa sa biglaang dahilan na posibleng humantong sa takotsubo cardiomyopathy ay ang domestic abuse, natural disasters, aksidente, matinding pagtatalo, komplikasyon sa relasyon, problema sa pera, pagkatalo sa sugal o ibang larangan, matuklasang may malalang sakit, sobrang pisikal na pagod, surgery, malalang sakit, head trauma, madamdaming pagsasalita sa publiko, matinding away at marami pang iba.
May mga ulat din na nagkaroon nito ang ilang gumagamit ng cocaine, pagkatalamak sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at maging sa panahon ng withdrawal o panahon na itinigil na ang pag-abuso sa bawal na droga ay humahantong din sa takotsubo cardiomyopathy.
Hindi rin ligtas sa takotsubo cardiomyopathy ang mga may mood disorder, kabilang na ang galing sa masaya o stressful na okasyon, kasama rin ang mga natuwa dahil sa surprise party o tumama ng jackpot sa lotto.
Sa kasalukuyan ay hindi pa maipaliwanag ng mga eksperto kung bakit mga may edad na babae lamang ang dumaranas nito, ngunit tinitingnan na umano ang pagbagsak ng kanilang estrogen activity na posibleng isa sa pangunahing dahilan.
Kaya ingatan natin ang ating mga Nanay o Lola, huwag na nating kulitin at bigyan pa ng kung anu-anong isipin para hindi na umabot pa sa takotsubo cardiomyopathy.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.co





Comments