top of page
Alex Eala at Sandro Marcos - FB.jpg

Mag-ingat sa baha ng galit ng taumbayan ngayong tag-ulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 26
  • 3 min read

ani Judith Sto. Domingo @Asintado | June 26, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Tag-ulan na naman. Nakaramdam na tayong muli ng panaka-nakang pagbuhos ng ulan at pagbugso ng malakas na hangin. Sa gitna nito ay namalas na rin natin kung gaano kabilis magsimula ang baha o pagtaas ng tubig sa kalsada na tila walang istruktura ng drainage sa paligid. 


Kaya naman ang mga ordinaryong komyuter ay nagsisimula na ring makadama ng pangamba at pag-aalala—kung paano nila susuungin ang mga baha at paano sila makauuwi sa kanilang pamilya nang hindi ginagabi o inuumaga. 


Kasabay ng panahong ito ng tag-ulan ay ang panaghoy ng taumbayan, lalo na ang mga malalayo ang inuuwian, at mga yaong hindi halos mapagkasya ang suweldo at may patung-patong pang mga utang na kailangang hulugan. Kahulugan ng pagkakaipit sa peligro ng pagbaha ang dagdag na gastos, dahil sa matagal na paghihintay ng

masasakyan o paghupa ng baha. 


Sa puntong ito ay suko na ang mga Pilipino—suko na sa pagtitiis at sa paghihintay ng solusyon mula sa pamahalaang kahit ilang administrasyon na ang dumaan ay tila kay bagal ng pag-usad ng pagbabago sa sistema. 


Bakit nga ba walang kasiste-sistema dito sa ating bansa, samantalang dati naman itong namayagpag at mas maunlad pa noon kaysa ating mga karatig-bayan. Napag-iwanan na tayo sa sistema ng pampublikong masasakyang mayroon ang ating mga kapitbahay na bansa na may episyente at konektadong mga linya ng tren mula airport hanggang bawat sulok. 


Sa kalunos-lunos na kalagayan ng ating mga pasahero sa Metro Manila, na pumapasok sa trabaho ng sobrang aga para hindi mahuli kaya't kulang na kulang rin sa tulog araw-araw, at ginagabi sa pag-uwi dahil sa hirap ng paghahagilap ng masasakyan, hindi lamang Department of Transportation ang makalulutas nito kundi ang tinatawag na whole-of-government approach o pagkakaisa ng buong pamahalaan. 


Paano ba naman, ang lala na ng sitwasyon, at bulag lang ang hindi makadarama ng paghihirap ng mga mananakay sa mga siyudad. Nasaan ang pamahalaan? Bakit tila walang isang ama na may kakayanang mag-isip na simulan ang pangmatagalang solusyon?


Sa gitna ng lahat ng ito ay kailangang higit na magparamdam ang kasalukuyang tumatayong Transportation Secretary na si Atty. Giovanni Lopez—para ipabatid sa atin anu-ano na ang nangyayari sa mga proyektong pantransportasyon, at ipakita sa atin ang progreso ng mga ito. 


Kumusta na ba ang progreso ng subway, mga pagdudugsong-dugsong ng linya ng tren, at pagdaragdag ng mass transportation system? Napakaraming nais mabatid ang taumbayang ayaw maging tila basang mga sisiw sa gitna ng tag-ulan. 


Mr. Secretary, makabubuting dalas-dalasan ninyo ang pagpapamalas sa amin ng inyong mga nagawa at ginagawa sa departamento, sapagkat napakahirap at napakamahal nang magkomyut sa kasalukuyan, at gusto naming makabanaag ng pag-asa—kung naaaninag na nga ba ito o nasa dakong hindi pa kayang tanawin ng aming mga mata.


Lalo namang nakakaawa ang mga may edad, mga paretiro na at mga may sakit nang kailangang mapuyat dahil sa kahirapan ng paghagilap ng masasakyan araw-araw. Hindi man nila maabutan ang progresong ganap ay kahit paano man lamang ay mabatid nilang maaari pang maging maayos na kanlungan ang Pilipinas ng kani-kanilang mga anak sa halip na mag-abroad.


Samantala, ang pag-asa ay natanaw natin kamakailang may nakasalamuha tayong may-ari ng isang negosyo sa Makati City na ang third floor ng kanyang ipinatayong gusali ay inilaan niya para maging quarters ng kanyang mga empleyado, na bukod sa may kani-kanilang silid ay libre pa sa paggamit ng kuryente at tubig. Para nga naman sa gitna ng tag-ulan at pagbaha ay hindi na sila mag-alalang humarap sa peligro at sakuna at matulog na lamang ng mahimbing para makapagtrabaho ng lubos kinabukasan!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page