Mag-inang Morales, kapwa sumampa sa fencing podium

by MC @Sports News | October 6, 2026

Photo: Ang mag-inang Morales nang kapwa mag-podium sa fencing event 2nd Leg Mini-Me and Veterans National Ranking Competition sa PhilSports Arena sa Pasig City. (Gen Villota)
Naging espesyal ang tagumpay sa mag-inang Glowlyn Malipol at 13-anyos na si Christine May Morales nang kapwa umakyat sa podium sa 2nd Leg Mini-Me and Veterans National Ranking Competition sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Habang muling namayagpag si Morales sa pagkubra ng gold medal sa Under-14 Women’s Foil, nagpakitang-gilas din ang ina na si Malipol para sa silver medal sa Veterans Women’s Epee event, upang madoble ang kanilang selebrasyon. Para kay Morales, naging mas makahulugan ang pagkapanalo dahil nakasama niya sa podium ang ina.
“Masaya ako na nanalo ako ng gold, pero mas naging espesyal ito dahil nanalo rin ang mom ko ng medalya. Pareho kaming nasa podium at sobrang proud at happy ako na naibahagi namin ang tagumpay na ito,” pahayag ni Morales. Tinalo ng 13-anyos na UE student-athlete si Ma. Alana Angelique Ribaya ng Canlas Fencing, 10-4, sa championship match upang muling madagdagan ang koleksiyon ng mga gintong medalya.
Pumasok sa finals si Morales matapos talunin si Eliora Lenie Dela Cruz ng Hampton Fencing, 10-4, habang nakapasok si Ribaya sa championship match matapos manaig kay Lily Raine Macapagal ng Oblation Fencing, 10-8. Sa preliminary rounds, dinaig ni Morales ang kanyang mga katunggali mula sa Republic Fencing tulad ni Julia Lauren Reyes, 10-1.





Comments