top of page

Mag-asawang dapat magkasundo kung saang negosyo magpopokus

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 24, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 24, 2021



Dear Maestro,

Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil madalas na sinasabi n’yo na ang mga Taong Singko ay yumayaman. Pero bakit hanggang ngayon, sa edad na 37 ay hindi pa rin ako yumayaman? Masipag naman kaming mag-asawa na nagtatrabaho at nagsisikap sa buhay. April 5, 1984 ang birthday ko at December 17, 1986 naman ang birthday ng asawa ko. Kailan kami yayaman at sa paanong paraan?

Iniisip kasi naming magnegosyo ng tindahan ng bigas, angkop ba sa amin ito? Sabi naman ng misis ko, mag-abroad na lang ako ulit. Maestro, ano ang dapat naming gawin para kami ay yumaman na?


Umaasa,

Arnel ng San Vicente, Calapan Oriental, Mindoro

Dear Arnel,

Kapag ang tao ay napakaraming iniisip o sabihin nating maraming laman ang kanyang isip at kung anu-ano ang gustong gawin sa buhay, malabo silang yumaman. Ganu’n kasi ang mga taong naiimpluwensiyahan ng numerong 4.


Bukod sa numerong 14 o 5, naiimpluwensiyahan ka rin ng numerong 4, na siya namang destiny number mo. Naging kuwatro (4) ang destiny number mo dahil ang April 5, 1984 ay ganito kinokompyut: 4+5+1984=1993/ 19+93=112/ 11+2=13/ 1+3=4.


Kaya ang susi sa pagyaman at pagtatagumpay sa buhay ay konsentrasyon. Sapagkat kung iisang negosyo, pagkakakitaan, layunin o gawain lamang ang pinagtutuunan mo ng pansin, malabo kang mabigo kaya matitiyak ang tagumpay.


Dahil dito, simulan mo nang ibuhos ang buo mong atensiyon at panahon sa iisang bagay na gustong-gusto mong gawin. Halimbawa, ang naisip mo ay mag-abroad, puro pag-a-abroad lang ang gawin mong paraan upang yumaman. Kung ang naiisip mo namang paraan ay negosyo, tulad ng pagnenegosyo ng bigas at palay, kundi palay, kung saan mamimili ka ng palay at ibebenta mo sa mga miller, doon ka yayaman.


Kaya pag-usapan ninyo ni misis ang pinakatamang proyekto na tututukan ninyong dalawa. Dahil nagkataong compatible ang birth date mong 5 sa birth date niyang 17, ganundin ang zodiac sign mong Aries sa zodiac sign niyang Sagittarius, tiyak ang magaganap. Limang taon lang ang hinihingi ng kapalaran na makapag-concentrate kayo sa iisang larangan o tumbok na proyekto, sa taong 2026 sa edad mong 42, mararamdaman ninyo ang unti-unting pagyaman. At habang patuloy na ibinubuhos ang atensiyon, panahon at lakas sa iisang depenidong gawain, tuluy-tuloy kayong yayaman hanggang sa tuluyan nang tanghaling isa sa pinakamayamang pamilya sa inyong lugar.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page