Mag-asawang baon sa utang, may chance makaahon kung mag-a-abroad
- BULGAR
- Jun 2, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 02, 2021
Dear Maestro,
Apat na taon na kaming nagsasama ng misis ko, pero kamakailan lang ay nag-away kami dahil sa pera. Marami kaming mga utang na hindi namin nabayaran dahil palaging kapos ang suweldo ko sa aking pamilya, at nang mag-away kami ng misis ko, umuwi siya sa kanila.
Gusto kong malaman kung babalik pa ba ang misis ko rito sa apartment namin o dapat ko na siyang sunduin? Gayundin, compatible ba kami at makakabayad pa ba kami ng mga utang at makaaahon pa kami sa aming kabuhayan? Sobrang nahihirapan talaga kami ngayon. February 1, 1986 ang birthday ng misis ko at October 4, 1984 naman ako.
Umaasa,
Erwin ng Santa Cruz, Porac, Pampanga
Dear Erwin,
Kung Astro-Numerology na pag-aanalisa ang tatanungin, sadya at tunay ngang compatible kayo ng misis mong isinilang sa zodiac sign na Aquarius at Libra ka naman. Ito ay dahil ang Libra at Aquarius ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong air o hangin.
Sa Numerology naman ay ganundin, ang birth date mong 4 ay tugma sa birth date niyang 1, dahil ang 4 at 1 ay may iisang planetang tinataglay – ang planetang Sun.
Ibig sabihin, wala kang dapat gawin kundi sunduin na ang iyong misis sa mga biyenan mo. Dahil siguradong sa taon ding ito ng 2021, sa buwang ito ay humingi ka ng tawad sa kanya at makikita mo na muling mabubuo at magiging maligaya ang inyong pamilya.
Samantala, upang makaahon sa mga pagkakautang at kahirapang bumabalot ngayon sa inyong pamilya, iminumungkahi ng birth date mong 4 at 1 naman si misis na mag-apply kayo sa ibayong-dagat.
Sapagkat, ayon sa inyong Travel Calendar, sa susunod na taong 2022 hanggang 2023, sa buwan ng Mayo hanggang Setyembre, isa sa inyo ni misis ang makapag-a-abroad, na siya na ring magiging simula o daan upang tuluy-tuloy na kayong makaahon sa mga pagkakautang at kahirapan hanggang sa tuluyan nang umunlad ang inyong kabuhayan at sa taong 2039 sa edad mong 55 pataas, unti-unti na rin kayong yayaman.



Comments