Mag-asawa at beybi, patay sa granada

by Jeff Tumbado @News | November 2, 2026

Photo: FP FIle
Patay ang mag-asawa at kanilang 6-buwang gulang na anak makaraan silang masabugan ng granada na inihagis ng hindi pa tukoy na lalaki sa Brgy. Tampilong, Marawi City, Lanao del Sur, nitong Sabado, Oktubre 31.
Kinilala ang nasawing mag-asawa na sina Mohaimen Hadji Ali Darimbang, 28 at Nesren Camar Solaiman, 25, kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Nasawi rin kalaunan sa ospital ang kanilang anak matapos magtamo ng mga sugat sa katawan mula sa pagsabog.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente kasunod ng joint law enforcement operation ng mga pulis at militar para isilbi ang warrant of arrest laban sa isang lalaki na high value target.
Nagkaroon umano ng palitan ng putok sa naturang operasyon. Sa gitna ng engkwentro, isang granada na sinasabing inihagis ng tumatakas na target ang sumabog at naging sanhi ng pagkasawi ng mag-asawa at kanilang sanggol.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang lalaking nakatakas sa operasyon.





Comments