Mag-aaral at guro, tiyaking oks bago pabalikin sa klase

ni Ryan Sison - @Boses | November 18, 2020
Apektado rin ang sektor ng edukasyon sa pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Basang mga modules, pahirapan sa suplay ng kuryente at signal sa internet ang ilan sa mga dinanas ng mag-aaral na ito.
Batay sa Education Cluster Report on Ulysses, na inilabas ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service, nabatid na mula nang suspendihin ang klase noong Nobyembre 11 ay nasa 20,041 paaralan o kabuuang 11,900,260 enrollees sa Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Bicol ang apektado ng bagyo.
Ayon sa Department of Education (DepEd), nasa 430 eskuwelahan o 14,844 klasrum sa NCR, CAR at Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B, 5 at 8 ang ginamit bilang evacuation centers ng may halos 2,000 pamilya.
Gayunman, nagpalabas na ng kautusan ang ilang opisina ng ahensiya sa ilang lugar ng suspensiyon ng klase upang mabigyan ng panahon upang makarekober ang pamilya at mga estudyanteng apektado ng bagyo.
Ang distance learning naman sa Cagayan at Tuguegarao City ay suspendido rin at magkakaroon na lang ng koordinasyon sa LGU kung hanggang kailan mananatili ang suspensiyon ng klase.
Sa Metro Manila, ilang unibersidad at paaralan ang nagpatupad ng academic breaks dahil sa epekto ni “Ulysses”.
Sa kabilang banda, may mga nananawagan ng “academic break” sa kolehiyo sa buong Luzon o buong bansa matapos ang pananalasa ni “Ulysses”, ngunit sinopla ito ng Commission on Higher Education (CHED).
Gayunman, ilang unibersidad at lokal na pamahalaan na ang nagdeklara ng academic break at suspensiyon ng klase bilang tugon sa malaking pinsala ng bagyo.
Iba-iba mang pinsala ang iniwanan ng bagyo sa iba’t ibang lugar ng bansa, hindi maikakailang napakaraming mag-aaral ang apektado. Malamang, ‘yung iba sa kanila, nawalan ng tahanan, kagamitan at pinakamasaklap, apektado rin ang mental health.
Panawagan sa mga kinauukulan, bigyan muna natin ng tsansang makabangon ang mga mag-aaral na ito bago ipagpatuloy ang pag-aaral.
Tiyakin nating nasa tamang kondisyon ang mga mag-aaral at guro bago isabak ulit sa pag-aaral.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments