Mae Bell, masusubok sina Bea at Cassandra
- BULGAR
- Oct 18, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 18, 2023
Kikilatisin ni Mae Bell ang husay magka-kuwadrang Bea Bell at Cassandra Bell sa 2023 PHILRACOM 2nd Leg Juvenile Stakes Race na ilalarga sa darating na Linggo (Oct. 22) sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.
Paniguradong dehado ang kalahok na Mae Bell na rerendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema pero ayon sa ibang mga karerista malaki ang tsansa na manalo ito sa distansiyang 1,400 meter race.
Bukod sa Bea Bell at Cassandra Bell, ang ibang makakatagisan ng bilis ni Mae Bell ay sina Amor My Love, Ghost, Heartening To See, Masunaga, Mommy's Love, Morning After at Over Azooming.
"Magagaling na kabayo ang mga kasali kaya mahirap mag- single bet diyan lalo na at mga batang kabayo," saad ni Victor Villahermosa, veteran karerista.
Nakalaan ang P1.8-M premyo na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa finish line sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P1,080,000, mapupunta sa second placer ang P360,000, habang tig- P180,000, P90,000, P54,000 at P36,000 ang third hanggang sixth ayon sa pagkakahilera.
Mag-uuwi rin ng P90,000 ang breeder ng winning horse habang P54,000 at P36,000 ang ibubulsa ng second at third.
Samantala, maliban sa nabanggit na stakes race, may ilalargang regular races ang Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI), kaya asahang masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments