Madlang pipol, urong-sulong sa pagpapabakuna dahil sa Dengvaxia

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | December 16, 2020
Napagkasunduan ng Senado na magpupulong ito bilang Committee of the Whole para mabantayan ang vaccination plan ng pamahalaan sa 2021.
Ang Committee of the Whole ay kumikilos tulad din ng komite, ngunit ang lahat ng miyembro ng Kamara ay lumalahok, sa halip na ilang miyembro lang.
Bilang sangay ng pamahalaan na may responsibilidad sa pondo ng bayan, mahalagang matutukan ng Kongreso ang pangangasiwa ng P72.5 bilyong inilaan para sa bakuna sa 2021 proposed national budget.
Interesado ang Senado na malaman kung gaano kahanda ang executive branch na pangasiwaan ang malawakang pagbakuna.
Mahigit 60 milyong kababayan natin ang planong mabigyan ng bakuna — naayos at inaayos na ba ng administrasyon ang iba’t ibang isyu na konektado rito, kabilang na ang logistics at gastos?
☻☻☻
Hindi rin natin maaaring pabayaan ang halaga ng komprehensibong information dissemination campaign.
Mataas ang vaccine hesitancy sa bansa dahil naging kontrobersiya sa Dengvaxia.
Ayon sa Vaccine Confidence Project, mula 82 percent noong 2015, bumagsak sa 21 percent na lamang sa 2018 ang tiwala ng mga tao sa kaligtasan ng mga bakuna.
Dahil sa pagbagsak sa tiwala sa mga vaccine, sa nakaraang dalawang taon ay muling kumalat ang measles at polio sa bansa na dati ay kontrolado na.
Hindi simpleng proseso ng pagbili at pagturok ang vaccination program.
Kung hindi natin mahihikayat ang mga kababayan natin sa benepisyo ng bakuna, mauuwi rin lang sa wala ang paggastos para mabili ang mga ito.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments