Madlang pipol, dapat maging alerto, mga manloloko nagkalat
- BULGAR
- Dec 19, 2022
- 1 min read
@Editorial | December 19, 2022
Grabe ang ganti ng mga na-lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Talagang naglabasan na ang lahat at tumodo sa gala.
Ang problema, sumabay din ang mga manloloko. 'Yung mga istayl noon ng panggagantso, mas lumawak at tumindi pa ngayon.
Mula sa personal na pananalisi, ang pambubudol ay umabot na online at pang-bigtime na ang pambibiktima, milyones na ang nai-scam.
Kaya ngayong medyo may laman ang bulsa, kahit hindi naman dapat, eh, tila tayo na ang mag-a-adjust para hindi mabiktima.
Palaging maging alerto sa paligid. Huwag mataranta, lalo na 'pag namimili. Ingatan ang mga dala at huwag magpapadala sa mga iniaalok na kung anu-ano dahil baka budul-budol na 'yan.
Bukod sa pag-iingat mula sa banta ng ibang tao, mag-ingat din sa sarili, huwag maging marupok sa paggastos. Alalahanin, mahal ang mga bilihin ngayon, baka masobrahan sa gastos at sa buong 2023 nganga.
Dapat maging praktikal, alamin ang mga bagay na kailangan at magagamit nang pangmatagalan.
Tigilan ang kabibili ng mga gusto lang para may mai-flex sa social media.
Matuto na tayo sa mga panahon na walang katiyakan kung may trabaho pa o kung may mapagkukunan pa ng panggastos sa araw-araw.
Dapat natuto na tayong magtipid, pahalagahan ang kinikita at nagagawa nang mag-ipon.
Ganundin, inulat natin ang mga bata sa mga katotohanan na kailangang maging masinop sa lahat ng bagay.
Samantala, tulad ng una na nating ibinabala, dahil nagkalat ang mga manloloko, pakiusap sa mga awtoridad na maging mas mautak at madiskarte laban sa mga kriminal.
Tayo ang kasangga ngayon ng publiko pagdating sa mga mapang-abuso.
At sa mga mahuhuli, dapat turuan ng leksyon na hindi nilang malilimutan.
Muli, mag-ingat tayo, ipagdiwang natin ang Pasko at Bagong Taon nang masaya, mapayapa at ligtas.



Comments