Madir ni Claudine, paano raw nasikmurang humarap sa publiko… RAYMART: MGA PASABOG NI MOMMY INDAY, KASINUNGALINGAN!
- BULGAR

- Oct 28
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 28, 2025

Photo: FB Justin D / Circulated
Sa kanyang Facebook account idinaan ni Raymart Santiago ang sagot sa mga maaanghang na akusasyon sa kanya ng dating biyenan na si Mommy Inday Barretto sa panayam dito ni Ogie Diaz sa kanyang YouTube vlog na Ogie Diaz Inspires kamakailan.
Matatandaang halos isang linggo pa lang ang nakararaan nang maging headline sa mga pahayagan at social media ang mga pasabog ng ina ni Claudine Barretto laban sa dating manugang na si Raymart.
Sa naturang panayam, inakusahan ni Mommy Inday si Raymart na sinaktan, ni-rape, kinaladkad na parang baboy at ninakawan si Claudine nu’ng panahong nagsasama pa ang mag-asawa.
Sa Facebook account na “Raymond Santiago” (Raymart’s real name is Raymond Alan Martin Legaspi Santiago), nag-post ang aktor ng kanyang official statement na ganito ang nakasaad:
“Ilang araw ko rin pinag-isipan kung kailangan ko pa bang personal na magsalita. Kahit mas matimbang sa akin na manahimik na lang, siguro ay kailangan ko rin ilabas kahit paano ang aking saloobin para sa aking kapayapaan.
“Sa loob ng halos labintatlong taon, pinli kong manahimik at idaan ang lahat sa tamang proseso. Naging mahirap ito dahil ang pangalan na iningatan at ipinamana ng aking mga magulang ay nadungisan dahil sa mga kasinungalingan at maling akusasyon. Masakit, dahil may mga anak kaming nakakaintindi na at naaapektuhan ng kanilang mga naririnig at nababasa sa media. Nakakadismaya, dahil kung makapagsalita ang iba ay akala mong naging bahagi sila ng aming buhay at ang lahat ay alam nila.”
Dagdag pa niya, “Kahit na ganon, alam ko na ang pananahimik ang mas makabubuti para sa aming kanya-kanyang pamilya at mga anak. At alam ko at ng mga tunay na nakakakilala sa amin ang katotohanan.”
At sa kabila ng mga banat sa kanya ng dating biyenan, kapansin-pansin na “Mommy Inday” pa rin ang tawag ni Raymart sa ina ni Claudine.
“Hindi kaila sa akin ang paninira at nakasusuklam na akusasyon ni Mommy Inday, ang taong nirespeto, minahal at tinuring kong pangalawang ina.
“Pero nakagugulat, dahil yung tao na dapat na higit na nakakikilala sa kanyang anak, ang taong siya mismong walang humpay sa paghingi ng paumanhin sa akin nuong mga nagdaang panahon ay siya ngayong nagbibitaw ng mga kasinungalingan. Hindi ko lubos maisip kung paano nila nasisikmurang humarap sa publiko at ipahiya ang kanilang sariling pamilya at harap harapang manira ng ibang tao.”
Pinabulaanan din ni Raymart ang mga akusasyon sa kanya at aniya, “Hindi man naging perpekto ang aming pagsasama, malinaw sa aking konsensya na kailanman ay hindi ko nagawa o magagawa ang mga paratang nila. Tinupad ko ang pangako ko sa kanila ni Daddy Pikey. Kahit na sarili ko ay tinaya ko para maprotektahan lang ang anak nila. Higit sa lahat, mahal na mahal ko ang aking mga anak at binigay ko ang higit pa sa nararapat.”
May pakiusap din si Raymart sa mga nanghuhusga sa kanya.
“Naiintindihan ko na kami ay “public figures” at inaasahang tatanggapin ang bawat komento at kritisismo. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi naman siguro kalabisan na hilingin ko na ang bawat isa ay umiwas sa pagpapahayag ng mga bagay na maaaring makasakit at makasama sa kapakanan ng bawat isa, lalo na sa aming mga anak at sa kanilang kinabukasan. Sa bandang huli, mas pipiliin ko pa rin ang respeto at na ipaubaya sa panahon na siyang humusga at maghayag ng katotohanan.”
INI-LAUNCH na ang bagong Christmas song ng Inner Voices titled Pasko Sa Ating Puso na ginanap sa Hard Rock Cafe Manila last Thursday.
May pagka-rock ang dating ng song na festive ang tema, na ayon sa manager at founder ng grupo na si Atty. Rey Bergado, na siya ring composer ng Pasko Sa Ating Puso, ang tradisyong “Noche Buena” ng mga Pinoy ang naging inspirasyon niya para maisulat at mabuo ang kanta.
Original song ito ng Inner Voices na inaasahan nilang tatanggapin at papatok sa mga Pinoy at magiging paboritong awitin tulad ng Christmas in Our Hearts at Sana Ngayong Pasko, na unang Christmas song na kanilang ini-revive.
For the record, 34 yrs. na ang Inner Voices na may regular gig sa mga bar and resto tulad ng Hard Rock at Aromata, pero ngayon ay nakikilala na rin sila sa mainstream lalo’t marami na ring nagkakagusto sa kanilang original song na I Will Wait For You In The Rain.
Pag-amin ni Atty. Rey, sa 34 yrs. nila, marami na rin talaga silang pinagdaanang magkakagrupo. Dumating na rin sila sa point na nag-away-away, pero dahil magkakapatid ang turingan nila, madali naman daw nilang naaayos ang gusot at ‘di ito nagiging reason para mabuwag ang banda.
Tinanong naman namin ang vocalist ng Inner Voices na si Patrick Marcelino na ngayong sumisikat na nga sila, at bilang siya ang ‘face’ ng banda, what if may dumating na acting offer sa kanya, willing ba siya?
Pag-amin nito, bata pa talaga siya ay pangarap na niyang maging artista. In fact, nag-audition daw siya noon sa Ang TV, pero hindi siya pumasa kay Direk Johnny Manahan.
Biro nga naming tanong, what if ang offer ay maging leading man siya ng crush niyang si Anne Curtis, magiging dahilan ba ito para iwan niya ang Inner Voices?
Natawa si Patrick at idinaan din sa biro ang sagot na baka ‘yun nga ang maging dahilan para magkawatak-watak sila, pero binawi rin at sinabing kahit i-try niya ang acting, never niyang iiwan ang mga kagrupo dahil dito niya natagpuan ang totoong ‘pamilya’.
Anyway, sa ngayon ay available na sa Spotify ang Pasko Sa Ating Puso na under ABS-CBN Music/Star Records label.








Comments