Made in 'Pinas na jeep, mas maraming trabaho ang aarangkada
@Editorial | March 9, 2023
Tinapos na ng transport groups ang dapat sana’y isang linggong tigil-pasada.
Ito ay matapos makipagdayalogo ng mga operator at tsuper sa Office of the Executive Secretary sa Malacañang kaugnay ng PUV Modernization Program (PUVMP).
Tulad ng lagi nating sinasabi, walang bagay na hindi nadadaan sa maayos na usapan. Kailangan lang na maging bukas at malawak ang pag-iisip.
Walang masama sa paglalabas ng saloobin o hinaing, ito ay karapatan ng lahat, kasabay nito ang pagiging responsable at pagsasaalang-alang din sa kalagayan ng kapwa. Sa bahagi naman ng gobyerno, kailangan natin ang mga opisyal na nakikinig at may tunay na malasakit.
Masasabing mahaba-haba pa ang lalakbayin ng usapin sa modernization program sa PUV.
Sa ngayon, isa pa sa tinitingnan ay ang locally-made na modern jeepneys na nag-o-operate na ngayon sa Metro Manila. Ang naturang mga jeep ay ang mga gumagamit ng Euro 4 engine. Ito rin umano ang ginagamit ng mga hotel sa mga turista at suportado naman ng Department of Transportation (DOTr).
Ang pagsuporta ng gobyerno sa modern jeep na made in ‘Pinas ay para ma-promote ang modernization works ng mga local manufacturers. Sa pamamagitan nito, mas maraming trabaho rin ang maibibigay sa mga Pilipino.
Bukod pa rito ang pagpapanatili sa hitsura ng jeep na masasabing tatak na ng ‘Pinas.
Kung saanman umabot ang programa, kung magkaroon ng mga pagbabago, umaasa tayo na lahat ay makikinabang at walang madedehado.



Comments