top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mabuti pa ang mahihirap may ambag sa community pantry, ‘yung mga DDS hanggang paninira na lang

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 24, 2021
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 24, 2021



DAMING TINATAMAAN AT NAMAMATAY SA VIRUS, DAMING JOBLESS AT GUTOM, NAGAWA PA NG PULSE ASIA NA MANGAMPANYA NG “SARA FOR PRESIDENT 2022”—Naglabas na naman ng resulta ng kanilang survey ang Pulse Asia na kesyo top daw si Mayor Sara Duterte-Carpio sa mga presidetiables sa 2022 presidential election.


Pambihira naman ‘tong Pulse Asia, mantakin n’yo, grabe na ang krisis sa bansa, ang daming tinatamaan at namamatay sa virus, ang daming nawalan ng trabaho at nagugutom pero nagawa pang maglabas ng kalokohang survey na mistulang nangangampanya na nang “Mayor Sara for president 2022”, buwisit!


◘◘◘


MAGTATAHO, SORBETERO AT BALUT VENDOR, NAG-AMBAG PERO SINA BADOY, PARLADE AT DDS BLOGGERS, PANINIRA ANG INAATUPAG SA MGA ORGANIZERS NG COMMUNITY PANTRY—Nag-viral ang magtataho, sorbetero at balut vendor na nag-ambag ng kanilang paninda sa community pantry na inorganisa ng grupo ni Patricia Non.


Mabuti pa sila, sa kabila na hirap din sila sa buhay ay nagawa pang mag-ambag para makatulong sa mga kababayang naghihikahos sa buhay, pero ang mga tagapagsalita ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sina PCOO (Presidential Communication Operations Office) Usec. Lorraine Badoy at Solcom (Southern Luzon Command) chief, Gen. Antonio Parlade, pati ang ilang DDS, wala na ngang ambag ay nananakot pa, inaakusahang komunista raw ang mga nag-organisa ng community pantry, tsk-tsk-tsk!


◘◘◘


ZERO HUNGER CZAR ANG DAPAT BATIKUSIN NG MGA DDS BLOGGERS, HINDI ANG COMMUNITY PANTRY ORGANIZERS—Kung may malasakit sa mga nagugutom na mamamayan ang mga DDS bloggers, ang dapat binabatikos nila ay si zero hunger czar, Cabinet Sec. Karlo Nograles at hindi ang iba pang organizers ng community pantry.


Si Nograles kasi ang itinalaga ni P-Duterte na zero hunger czar na ang mandato ay tiyaking walang magugutom sa gitna ng pandemya, pero walang naging aksiyon kaya’t ang resulta, ang daming nagutom, mabuti na lang may mga community pantry na nagsulputan na nagbibigay-pagkain ngayon sa nagugutom na mamamayan, period!


◘◘◘


SA KARE-RED-TAGGED, NAOBLIGANG ITIGIL NG ILANG ORGANIZERS ANG OPERASYON NG KANILANG COMMUNITY PANTRY—Itinigil ng ilang organizers ang operasyon ng community pantry sa kanilang lugar dahil sa takot na may mangyaring masama sa kanila kasi patuloy ang pagre-red-tagged sa kanila nina Badoy, Parlade at DDS bloggers.


Kita n’yo na naging epekto, imbes na may napagkukunan ng pagkain ang mga kababayan nating naghihikahos sa gitna ng pandemya ay nawala pa, kaya resulta, gutom na naman inabot ng mahihirap nating mga kababayan sa mga komunidad, saklap!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page