top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mabilis na pagresolba sa DLSU Murder, Good job!

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 5, 2023
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 5, 2023



Personal tayong nagtungo kahapon ng umaga sa labi ng pinaslang na De La Salle University- Dasmariñas student upang makiramay sa kanyang mga magulang, dalawang kapatid at ilang kaanak na kanyang naiwan sa Pili, Laguna.


Bago tayo nagtungo sa labi ng nasawi na si Queen Leanne Daguinsin, nag-courtesy call tayo sa tanggapan ni Pili, Laguna Mayor Egay Ramos na siyang sumama sa atin patungo sa lugar ng biktima kasama rin si Cavite Provincial Director Col. Christopher Olazo at ilang tauhan.


Nakakalungkot dahil nangyari ang krimen, ngunit kailangan nating maging positibo dahil nasakote agad ng kaanib ng Cavite-PNP ang suspek sa kontrobersyal na robbery with homicide case na pangyayaring kumitil sa buhay ng 24-anyos na estudyante ng DLSU-Dasmariñas.


Natukoy ang suspek na si Angelito Erlano, na mas kilala sa alyas na ‘Kulet’ na hindi nakapalag nang dakmain ng elemento ng PNP bandang alas-10:40 ng umaga noong nakaraang Sabado.


Kasalukuyang naka-detine sa Cavite PNP detention cell ang suspek habang inihahanda na ang kaso ng pagnanakaw at pagpaslang matapos ang ilang araw na walang humpay na pagtugis sa salarin.


Ibig sabihin, hindi rin talaga matatawaran ang kakayahan ng ating PNP sa pagresolba sa kaso at ito ang katunayan na hindi naman lahat ng kaanib ng PNP ay tutulug-tulog sa pansitan.


Nakabuti ang pagsasanib-puwersa ng Dasmariñas City Police Station at Cavite Provincial Intelligence Unit dahil matapos silang magsagawa ng imbestigasyon ay nakilala agad nila ang salarin, kaya sinundan agad ito ng hot pursuit operation.


Natumbok nila ang pagkakakilanlan ng suspek matapos na rebisahin ang lahat ng CCTV footages na malapit sa pinangyarihan ng krimen at natukoy na ang salarin ay naninirahan sa Bgy. San Nicolas 2, Dasmariñas City, Cavite.


Kung inyong matatandaan, ang biktima ay natagpuang nakahandusay sa kanyang silid sa isang dormitory noong nakaraang Martes ng alas-4:40 ng hapon na nagtamo ng 14 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.


Nadiskubre lamang ang bangkay ng biktima nang pasukin ito ng caretaker matapos siyang hanapin ng kanyang kaklase. Rito na rumesponde ang pulisya at narekober sa crime scene ang isang itim na T-shirt na may puting stripe at isang asul na T-shirt na may trademark na eagle na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa pagsasagawa ng krimen.


Mula rito, hindi na nagpahinga ang PNP at halos hindi na sila natulog sa pagresolba sa kaso at makaraan lamang ang apat na araw ay natukoy nila ang pinagtataguan ng suspek sa Purok 4, Bgy. Victor Reyes, Dasmariñas City kung saan ito nadakip.


Nang masakote ang suspek, nadiskubre ng pulisya na ang matagal na nilang pinaghahanap na notoryus na kawatan sa naturang bayan ay siya rin ang salarin sa pagpaslang sa naturang estudyante.


Kaya binibigyang-pugay natin sina Provincial Director Col. Christopher Olazo at si Mayor Jenny Barzaga na halos hindi nagpahinga hanggang mahuli si Erlano na bagama’t masakit sa mga kaanak ang nangyari ay maiibsan na nito ang dinadala nilang bigat dahil may mananagot na sa krimen at naresolba na ang kaso.


Bilang isang lehitimong taga-Cavite, mariin nating kinukondena ang naganap na pagpaslang at walang puwang sa lalawigan ng Cavite ang mga tulad ng nasakoteng salarin, dahil hindi lang buhay ang kanyang inutang dahil tinangay niya rin ang pangarap ng mga magulang at kapatid ng nasawi.


Marahil panahon na para ibalik ang capital punishment sa bansa para sa mga heinous crime dahil wala nang kinatatakutan ang mga kriminal, na kahit ang motibo ay magnakaw, nagagawa pa nilang pumatay.


Dapat sa mga tulad ng nasakoteng suspek ay magdusa nang labis sa bilangguan para hindi pamarisan. Imagine, ilang araw na lang at graduate na ang biktima, tapos nasayang lang ang kinabukasan at pagsisikap ng mga magulang nito dahil sa walang kuwentang pangyayari.


Marahil ay nakatulong din ang ibinigay nating pabuya na P300,000 sa sinumang makakahuli sa suspek, bukod pa rito ay nagbigay din si Cavite fourth district Rep. Elpidio Barzaga Jr. at Dasmariñas Mayor Jennifer Barzaga ng P100,000 bawat isa habang ang city government ay nagbigay din ng P300,000, samantalang si Cavite Gov. Jonvic Remulla ay naghandog din na P300,000, kaya umabot ng P1.1 milyon ang kabuuang reward.


Kung tutuusin, napakaliit ng pinagsama-samang reward na ito kung ikukumpara sa husay na ipinamalas ng PNP sa kanilang pagtatrabaho, kaya kung sinuman ang mga nasa likod nang pagkakaaresto ng suspek ay pagdamutan n’yo na ang aming nakayanan.


Maganda rin na nagbigay ng pahayag ang DLSU-D administration na titiyakin na umano nila ang paghihigpit sa seguridad sa labas ng unibersidad at mga nakapaligid na dormitoryo kasabay ng pangakong magdadagdag umano ng security marshals at paiigtingin pa ang police visibility.


Kahit naresolba na ang kaso, mabigat pa rin sa atin at sa mga nagmamahal sa biktima ang pangyayari, kaya sana lang ay huwag nang maulit ang kahalintulad na krimen.


Sa mga kaanak ni Queen Leanne, tanggapin n’yo ang taus-puso kong pakikiramay.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page