Mabilis na aplikasyon, wa’ ‘wenta kung mabagal ang pamimigay ng fare matrix
ni Ryan Sison - @Boses | October 7, 2022
Imbes na makinabang sa ipinatupad na dagdag-singil sa pamasahe, maraming tsuper ang hindi makasingil dahil walang fare matrix mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Bagama’t naging epektibo noong Lunes ang taas-pasahe sa halos lahat ng pampublikong sasakyan, hindi maaaring maningil nito ang mga tsuper kung walang nakapaskil na fare matrix o taripa sa loob ng sasakyan.
Ang problema, mabagal ang pamimigay ng kopya ng taripa, kaya ang ending, wa’ ‘wenta ang pagpapatupad ng taas-singil.
Kaugnay nito, binuksan ng LTFRB ang online application para sa mga driver at operator na nais kumuha ng fare matrix upang makasingil ng taas-pasahe sa Metro Manila. Paraan na rin umano ito upang maibsan ang pila ng mga aplikante sa kanilang tanggapan.
Upang makapag-apply online, kailangang i-upload ng aplikante sa website ng LTFRB ang mga kailangang dokumento, tulad ng OR/CR ng unit at certificate of public convenience o prangkisa. Gayundin, online ang pagbabayad ng taripa at kapag online pagproseso ng fare matrix, sa halip na dry seal ay QR code ang inilalagay. Ngunit sa LTFRB-National Capital Region (NCR), iimprenta ito para sa mga pirma at ia-upload para i-print ng aplikante.
Nagsasagawa naman ng random check ang mga traffic enforcer upang paalalahanan ang mga PUV drivers na huwag munang maningil ng taas-pasahe kung walang taripa at magbigay ng karampatang discount.
Nakikita natin na maganda ang layunin ng pagbubukas ng online application para sa bagong fare matrix. Gayunman, kung nais nating mapadali ang aplikasyon, dapat mabilis din ang pamamahagi ng kopya ng taripa. Lumalabas kasi na wa’ ‘wenta ang taas-pasahe dahil hindi makasingil ang mga tsuper dahil sa mabagal na distribusyon nito.
Pakiusap sa mga kinauukulan, ngayong nakita na natin ang problema, hangad natin ang mabilis na solusyon upang makinabang ang mga tsuper at operator.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments