Mabilis at sapat na ayuda para sa mga nasalanta ni ‘Karding’, ibigay!
ni Ryan Sison - @Boses | September 29, 2022
Bukod sa sirang mga establisimyento at grabeng pinsala sa agrikultura, maraming pamilya rin ang apektado ng Super Typhoon Karding.
Karamihan ay binaha at nawalan ng tirahan, kaya ang ending, sa mga evacuation centers pansamantalang nanunuluyan, habang naghihintay ng ayuda.
Upang mabigyan ng tulong ang mga pamilyang apektado ng kalamidad, naglaan ng P1.1 bilyong pondo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa disaster response at mabigyan ng tulong ang mga residenteng apektado ng Bagyong Karding.
Kasabay nito, nagsasagawa na umano ng relief efforts ang ahensya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, National Capital Region (NCR) at Cordillera Administrative Region (CAR) na apektado ng naturang kalamidad.
May kabuuan namang 224,000 family food packs ang nailatag ng ahensya sa may 194 evacuation centers.
Gayunman, umaasa ang DSWD na magiging sapat ang pondo para makatulong sa mga nasalanta ni ‘Karding’.
Kung tutuusin, malaki ang inilaang pondo para sa mga biktima ng kalamidad. Pero sa dami ng nasalanta, marahil ay hindi nga sumapat ang pondo, ngunit kung magagamit nang tama, tiyak na makikinabang ang mga dapat makinabang.
Bukod sa pagtiyak na may pondo para sa mga nasalanta, dapat masigurado rin na mabilis itong maipapamahagi. Batid nating may puwersa ang gobyerno na maghatid ng tulong sa ating mga kababayan.
Sa mga ganitong panahon, kailangang-kailangan ng ating mga kababayan ang agarang pagtugon sa kanilang pangangailangan at gobyerno ang may kakayahang gumawa nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments