Mabigat na parusa sa sangkot sa vote buying
ni Ryan Sison - @Boses | May 10, 2022
Bagama't tapos nang bumoto ang taumbayan, patuloy na umaapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga botante na agad isumbong ang anumang nalalaman na insidente ng bilihan ng boto sa kanilang komunidad.
Gayunman, inatasan na rin ni DILG Secretary Eduardo Año ang Philippine National Police (PNP) na lumikha ng Anti-Vote Buying Teams sa bawat lalawigan at lungsod sa bansa upang tumanggap at mag-imbestiga sa mga alegasyon ng bilihan ng boto.
Samantala, paliwanag ng kalihim, ang PNP Vote Buying Teams ay inatasang tumanggap at magproseso ng reklamo ng vote buying o vote selling, mag-imbestiga, mangalap at magpreserba ng mga ebidensiya, kumuha ng pahayag at magprotekta sa mga testigo o complainant sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga akmang ahensiya ng pamahalaan.
Ang mga reklamo aniya na “sufficient in form and substance” at may sapat na ebidensiya ay maaaring isampa ng mga concerned group sa prosecutor’s office.
Sa totoo lang, ilang beses nang nagbigay-paalala at babala ang mga kinauukulan hinggil sa vote buying at vote selling.
At bagama’t kaliwa’t kanan ang mga post sa socmed hinggil sa umano’y bilihan ng boto mula sa iba’t ibang kandidato at ilang kaso na ng vote buying ang naisampa, hangad nating talagang may masampolan.
Patawan ng mabigat na parusa ang mapapatunayang sangkot dito. Kailangang may masampolan upang malaman ng lahat na seryoso tayo sa problemang ito at may ngipin ang batas.
Gayunman, hindi lamang kapulisan at mga kinauukulan ang dapat kumilos dahil tayong publiko ay may magagawa rin. Gaya ng apela ng opisyal, ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang mga ganitong insidente.
‘Ika nga, hindi nagtatapos sa araw ng eleksyon ang isyu sa vote buying. At kung nagkataong naluklok sa puwesto ang sangkot, may pagkakataon pa para panagutin ito.
Kung hindi matatapos sa halalan na ito ang isyu sa bilihan ng boto, malamang na mangyayari pa ito sa mga susunod na taon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments