- BULGAR
Mabigat na parusa sa mga protektor ng smugglers
ni Ryan Sison - @Boses | June 30, 2022
Matapos isapubliko ang pangalan ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na sinasabing sangkot sa smuggling ng mga produktong agrikultura, hinikayat ng Malacañang ang Senado na sampahan ng kaso ang mga naturang opisyal.
Kabilang sa mga tinukoy sina BOC Chief Rey Leonardo Guerrero, Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan, BOC for Intelligence group Raniel Ramiro, Dir. Geoffrey Tacio ng Customs Intelligence and Investigation Service, Atty. Yasser Abbas ng import and assessment.
Samantala, tiniyak ni acting presidential spokesman Martin Andanar na kaisa ng Senado ang Malacañang sa pagsugpo sa mga katiwalian sa gobyerno.
Nakakadismaya dahil matataas na opisyal pa ang sangkot sa smuggling. Imbes kasi na katuwang sila ng mga magsasaka, sila pa pala ang nagsisilbing daan para magawa ang smuggling.
Matagal nang iniinda ng mga magsasaka ang pagbaha ng smuggled products sa merkado, na naging dahilan ng kanilang malaking pagkalugi.
Gayundin, hindi biro ang hirap na idinulot ng smuggled na produkto sa sektor ng agrikultura, kaya hamon natin sa mga kinauukulan, patawan ng mabigat na parusa ang mga pinangalanan.
Patunayan n’yong may pangil ang batas at walang puwang sa gobyerno ang mga ganitong klase ng opisyal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com