top of page
Search
BULGAR

Maayos na sahod at benepisyo sa mga nars, para ‘di mag-abroad

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 1, 2023


Dumaan na ang Nurses Week mula ika-6 hanggang ika-12 ng Mayo 2023.


Ang napiling tema nito ay “Nurses Make a Difference Anytime, Anywhere, Always”.


Sayang ang nagdaang pagdiriwang ng Nurses Week dahil hindi tulad ng maraming mahahalagang pagdiriwang, halos hindi naramdaman ang linggo ng mga nars.


Meron din akong napansin sa tema ng Nurses Week ng taong ito. Bakit hindi inilagay sa tema ang salitang Pilipino, na sa halip na “Nurses Make a Difference Anytime, Anywhere, Always” ay ginawa sanang Filipino Nurses Make a Difference. Iba talaga ang mga Pinoy nars dahil walang bansang hindi hinahangaan ang mga nars natin.


Kaya, kahit natapos na ang Nurses Week, nagulat na lang ako nang pakiusapan ako ng isang ospital sa loob ng parokyang aking pinaglilingkuran na mag-alay ng misa para sa kanilang mga nars.


Naging malinaw sa akin kung bakit ako naanyayahang magmisa para sa mga nars dahil tulad ng ibang mga ospital, kulang na kulang na ang mga nars at talagang kailangan nila.


Kaya sa maraming ospital, dahil kinakapos ng mga nars ay patung-patong ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga ito.


Masaya ang diwa ng misang inialay naming lahat noong nakaraang Miyerkules, October 25.


Nagpasalamat ako na naririto pa ang mga lisensyadong nars at nakukuha pa nilang pigilan ang pag-alis patungo sa ibang bansa, kung saan nais nilang maglingkod bilang mga nars.


Ngunit, alam kong panahon lang ang makapagsasabi kung kailan sila aalis dahil buo na rin sa kanilang kalooban ang umalis ng bansa. Mas madaling itanong sa mga nars kung bakit nila nais umalis pero mahirap namang itanong kung ano ang makapipigil ng pagpunta nila abroad sa halip na manatiling naglilingkod sa kanilang sariling bansa.


Pagdating ng mga nars natin sa ibang bansa, meron nang naghihintay na trabaho sa kanila sa iba’t ibang mga ospital. Silang lahat ay nagtapos sa “Schools of Nursing”. Kung gaano ang pangangailangan ng mga nars na Pinoy abroad ay dito rin sa atin. At siyempre dahil mas malaki ang kanilang sahod kaysa atin mas pinipili nilang magtrabaho sa ibang bansa.


Higit sa pag-aaral ng mga nars ay likas na kakayahan din nilang mag-alaga ng mga pasyente.


Isa pang may mataas na demand para sa mga Pinoy ay ang “care-giving” o pag-aalaga sa mga may sakit at matatanda.


Para naman magkaroon ng higit na partisipasyon ang pagdiriwang ng misa, tinanong ko ang mga nagsimbang nars kung ilan sa kanila ang mananatili at maglilingkod dito hanggang sumakabilang-buhay. Halos walang kamay na nagtaas. Merong isa at marami na ang dalawa na parang nahihiya pang itaas ang kanilang mga kamay.


Batid natin na halos 95% ng mga nagtatapos ng Nursing sa ating bansa ang matagal nang may planong mangibang bansa. At sa kabila ng ganitong nakalulungkot na kalagayan sa ating mga nars, tila walang ginagawa ang ating pamahalaan para baguhin ang ganitong sitwasyon.


Kamakailan, iminungkahi ni Congressman Marvin Rillo na itaas ang sahod ng mga nars mula P36,619 sa P63,997 o itaas ng 75% ang kasalukuyang sahod ng ating mga nars sa bansa. Ngunit, ang mga nars lang ba ang nangangailangang itaas ang kanilang sahod?


Sa totoo lang, muling nabubunyag ang kababawan o kawalan ng tunay at epektibong pagmamahal at pagkalinga ang gobyerno sa ating mga nars.


Sa gitna ng krisis ng mga libu-libong nars na nag-a-abroad at nagpapahina sa ating mga ospital, naisipan naming likhain ang MSED o ang Ministry for the Sick, Elderly and Dying.


Bagama’t hindi nito mapapalitan ang mga nars, malaking bagay na turuan ang mga parokyano na tumulong sa pag-aalaga ng mga matatanda at maysakit. At tiyak kong hindi lang ang aming parokya ang naghahanap ng mga pamamaraang tumugon sa krisis ng sapat na health workers gaya nars, medtech, midwife at siyempre mga doktor.


Malaking bagay ang pagkakaroon ng magandang suweldo sa ating mga nars para hindi sila mag-ibang bansa. Magiging madali rin ito kung mayroon talagang totoo at wagas na pagmamahal at pagkalinga hindi lang para sa mga nars kundi sa lahat ng propesyon at sektor ng lipunan.


Kung maingat nating titingnan ang pambansang sitwasyon, hindi lang ang mga nagtapos ng Nursing ang nag-iibang bansa kundi ang malaking bahagi ng populasyon ng mga kabataan.


Higit sa pera, naghahanap ang marami ng pag-asa. Dapat sigurong simulan nating pagandahin ang sahod at mga benepisyo ng ating mga nars. Mag-umpisa man sa maliit ay unti-unting lalaki ang bilang habang mapipigilan na rin na mangibang bansa ang karamihan ng mga Pinoy.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page