top of page
Search
  • BULGAR

Maayos na mass transportation, tiyakin

@Editorial | July 21, 2023


Patuloy ang panawagan ng mga city bus operator na alisin na ang EDSA Bus Carousel. Anila, dapat nang ibalik ang pre-pandemic rules.


Gayunman, nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na hindi nito ititigil ang operasyon ng EDSA Bus Carousel.


Sa isang pahayag ay sinabi ng pamunuan ng DOTr na wala silang nakikitang anumang rason para itigil ang operasyon lalo na’t maganda umano ang serbisyong idinudulot nito sa publiko.


Paliwanag pa ng ahensya, mahirap na rin umanong ibalik ang dating sitwasyon ng mga bus sa EDSA dahil sa matinding trapikong idinudulot nito sa mga kalsada.


Matatandaang, una nang sinabi na sisikaping matugunan ang mga hinaing ng mga bus operators hinggil sa nasabing isyu.


Napakahalaga ng mass transportation para sa mga komyuter dahil mas tipid lalo na kung may pagkakataon na mas makakaiwas sa trapik.


Kaya umaasa tayo na mas pagbubutihin pa ng mga kinauukulan ang sistema sa mass transportation. Bukod sa mababang pasahe, manatili sana itong ligtas para sa lahat ng pasahero.


Para naman sa apela ng mga city bus operator, may karapatan din silang mapakinggan ng gobyerno, na sana ay mabigyang-pansin agad.


Hangad natin na magtuluy-tuloy ang pag-usad ng ating ekonomiya at isa sa mahalagang bagay na dapat pagtuunan ay ang ating transportasyon.


Malaking halaga ang nalulugi kapag palpak ang sistema ng transportasyon.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page