top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Maayos na COVID response, kailangan para walang tambay

BULGAR
Oct 6, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 06, 2021


Milyun-milyong manggagawa ang lubhang naapektuhan ng mga ipinatupad na lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.


Ito ay dahil maraming industriya ang tigil-operasyon at no choice kundi maghintay lamang ng tulong mula sa gobyerno at umasang maluwagan ang lockdown para makapaghanapbuhay.

Dagdag pa rito, maraming bagong graduate rin ang hirap na makahanap ng trabaho dahil sa limitadong industriya na bukas.


Kung ang kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa ang pagbabasehan, paano nga ba maibabalik ang nawalang hanapbuhay ng ating mga kababayan?


Dahil dito, iginiit ng isang mambabatas na kailangang magkaroon ng maayos at hindi korup na COVID response ang gobyerno. Paliwanag nito, dahil sa open-close lockdown, nagsasara ang mga oportunidad para sa paghahanap ng trabaho, kaya nadagdagan pa ang bilang ng mga walang trabaho.


Matatandaang base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 8.1% o 3.88 milyong indibidwal ang walang trabaho sa bansa noong Agosto.


Samantala, sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Karl Chua na ang paglikha ng mga trabaho ay nakadepende sa quarantine restrictions. Tulad sa Metro Manila noong Agosto kung saan 23.3 milyong manggagawa ang naapektuhan nang pairalin ang general community quarantine with heightened restrictions sa rehiyon.


At ngayong nasa Alert Level 4 ang Metro Manila, kapansin-pansing mas marami na ring manggagawa ang balik-trabaho. ‘Yun nga lang, marami pa ring istambay.


Malaking responsibilidad para sa gobyerno ang matiyak na gumagalaw ang ekonomiya nang hindi naisasakripisyo ang ating kaligtasan.


Kaya hindi rin natin sila masisisi kung nais nilang maging maingat at ‘wag basta-bastang bawiin ang mga paghihigpit.


Hindi natin sinasabing palpak ang lahat ng ginagawa ng pamahalaan, pero kung magkakaroon pa ng mas maayos na pagresponde sa pandemya, tiyak na mas maraming industriya ang magbubukas at mabibigyang-daan ang ating mga kababayan na makapagtrabaho, gayundin ang mga bagong graduate.


Nananatilihing hamon para sa lahat ang kawalan ng hanapbuhay dahil kahit sabihin nating may tulong naman ang gobyerno, hindi naman ito panghabambuhay dahil kailangan pa ring kumayod para maitawid ang pangangailangan.


Sa nalalabing panahon ng mga nakaupo sa puwesto, galaw-galaw ho tayo. Milyun-milyong Pilipino ang umaasa sa inyo.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page