Maayos na contact tracing system sa pagbubukas ng turismo, tiyakin!
ni Ryan Sison - @Boses | February 08, 2022
Kasabay ng pagbubukas ng bansa sa mga dayuhang turista, pinatitiyak ng isang grupo sa pamahalaan na walang magiging kapalpakan ang contact tracing system.
Bagama’t fully-vaccinated na turista lamang ang tatanggapin sa bansa, iginiit ng grupo na hindi dapat magkamali sa contact tracing upang mapigilan ang hawahan kung sakaling madiskubreng positibo sa COVID-19 ang nakapasok sa bansa.
Matatandaang, hindi na mandatory ang facility-based quarantine para sa mga darating sa bansa na kumpleto sa bakuna, ngunit kailangan nilang magpakita ng negative result ng RT-PCR test na isinagawa sa nakalipas na 48-oras.
Gayunman, sinabi ng grupo na dapat tiyaking maayos ang contact tracing system mula sa pagdating ng mga turista hanggang sa pagpunta nila saanmang destinasyon sa Pilipinas para maging madali ang pagtugon sa pangangailangan ng sinumang magkakasakit.
‘Ika nga, kasabay ng mga pagluluwag sa restriksiyon ang mga karagdagang pag-iingat.
Habang tinitiyak nating ang lahat ng papasok sa bansa ay negatibo sa sakit, dapat handa pa rin tayo kung sakaling may makalusot.
Dahil d’yan, hindi puwedeng isantabi ang contact tracing dahil isa ito sa mga pinakamahalagang hakbang upang mapigilan ang hawahan. Tulad ng panawagan ng grupo, hindi ito dapat pumalpak, lalo pa’t sinisikap nating maibangon ang ekonomiya.
Tungkulin ng lokal na pamahalaan na tiyaking ligtas ang kanilang nasasakupan at agad na matutunton ang sinumang tinamaan ng sakit.
Huwag natin hayaang maging sanhi ng panibagong problema ang isang kapalpakan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments