Maayos at ligtas na F2F graduation, plis lang
ni Ryan Sison - @Boses | April 30, 2022
Dahil pinapayagan na ng Department of Education (DepEd) ang limitadong pagsasagawa ng face-to-face end-of-school-year (EOSY) rites, naglatag ng guidelines ang kagawaran para sa kaligtasan ng mga dadalong guro, mag-aaral at magulang.
Paglilinaw ng DepEd, papayagan ang pagsasagawa ng limited physical ceremonies sa mga paaralang nasa ilalim ng Alert Level 1 at 2. Subalit dapat umanong tiyakin ng mga paarlaan na istriktong maoobserbahan at masusunod ang guidelines na itinakda.
Ayon sa kagawaran, dapat nakasuot ng facemask ang lahat ng dadalo sa buong event at may isang metrong distansiya ang bawat indibidwal. Dapat ding nakaupo lamang ang mga participant sa kani-kanilang assigned seats, gayundin, ipinagbabawal ang pakikipagkamay o iba pang uri ng physical contact. Habang isang magulang o guardian lamang kada mag-aaral ang papayagang makadalo.
Nilinaw din ng DepEd na kailangang may parental consent para sa mag-aaral na dadalo sa face-to-face graduation ceremony.
Samantala, ang mga paaralang hindi makakapagsagawa ng in-person EOSY rites ay papayagang mag-live broadcast ng virtual graduation rites sa pamamagitan ng isang angkop na social media platform. Kabilang sa mga hindi papayagang magsagawa ng face-to-face graduation rites ang mga paaralang nasa lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, 4 at 5.
Ang end of school year para sa 2021-2022 ay isasagawa sa Hunyo 24.
Matatandaang ikinatuwa ng mga mag-aaral at magulang ang pag-apruba sa in-person EOSY rites. Tila normal na ulit dahil sa wakas, makakapag-martsa at makakaakyat na sa entablado ang mga magtatapos. ‘Yun nga lang, limitadong paaralan pa lamang ang pinayagan.
Gayunman, para sa mga dadalo, malinaw ang mga paalala at pakiusap ng mga kinauukulan, kaya plis lang, ‘wag magpasaway para maiwasan ang hawahan.
Hangad natin ang ligtas at mapayapang pagtatapos ng mga mag-aaral sa taong ito at sana, mas maraming paaralan pa ang makapagdaos ng face-to-face graduation rites sa mga susunod na panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments