Maangas sa kalsada, alisan ng lisensya
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | August 19, 2026

Hindi karapatan ang lisensya. Pribilehiyo ito na may kasamang responsibilidad. Kaya ang mga drayber na ginagawang entablado ng yabang, pananakot at karahasan ang kalsada ay dapat mawalan ng karapatang magmaneho.
Kung napatunayang nanakot, nanakit o nang-harass ng kapwa motorista, hindi sapat ang multa at pansamantalang suspensyon. Bawiin ang lisensya habambuhay. Ang taong walang disiplina at kontrol sa sarili ay panganib sa lahat ng gumagamit ng kalsada.
Hindi dapat hintaying may masaktan o mamatay bago seryosohin ang ganitong asal. Ang road rage, pananakot at agresibong pagmamaneho ay malinaw na babala na maaaring mauwi sa mas malalang insidente kapag pinalampas.
Dapat ding maging mabilis at mahigpit ang aksyon ng mga awtoridad. Kapag malinaw ang ebidensya at napatunayang abusado ang isang motorista, huwag nang bigyan ng paulit-ulit na pagkakataon. Mas mahalaga ang kaligtasan ng publiko kaysa sa pribilehiyo ng isang pasaway na drayber.
Walang puwang sa lansangan ang siga at abusado. Ang lisensya ay para sa marunong sumunod sa batas, hindi para sa nag-aastang hari ng kalsada.



Comments