ni Anthony Servinio @Sports | April 6, 2024
Mga laro ngayong Sabado – Rizal Memorial
3 p.m. Manila Digger vs. Army
5 p.m. Dynamic Herb vs. Loyola (Cebu)
5:30 p.m. Air Force vs. Mendiola 1991
8 p.m. Tuloy vs. Maharlika Taguig
Aapaw ang aksiyon sa unang araw ng 2024 Philippines Football League (PFL) tampok ang tatlong laro sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila at isa sa Borromeo Sports Complex sa Cebu. Bibisita ang nagbabalik na Loyola FC sa tahanan ng Dynamic Herb Cebu FC sa isang maagang tapatan ng mga paborito simula 5 p.m.
Nagtapos na pangalawa ang Cebu sa 2023 PFL at naging daan upang makalaro sila sa AFC Cup laban sa mga bigatin ng Timog Silangang Asya. Naging bahagi ang Loyola ng unang taon ng PFL noong 2017 bilang Meralco Manila at nagtala ng pinakamataas na kartada subalit nabigo sa #4 Global sa semifinals.
Mula sa pitong koponan noong nakaraang taon, biglang lumaki ang PFL sa 15 na simbolo ng patuloy ng pag-usbong ng Football sa bansa. Nararapat lang na dalawang baguhan – Manila Digger at Philippine Army – ang magtatapat sa unang laro sa Rizal Memorial simula 3 p.m.
Susundan ito ng isa pang nagbabalik na Philippine Air Force kontra Mendiola FC 1991 sa 5:30 p.m. Naglaro ng isang taon ang PAF sa liga noong 2019 at nagtapos ng ika-anim sa pitong kalahok subalit determinado ang mga kasalukuyang Airmen na baligtarin ang resulta ngayon.
Wawakasan ang araw ng sagupaan ng Tuloy FC at ang bagong anyong Maharlika Taguig sa 8 p.m. Aabangan ang mga kabataan ng Tuloy na ilan ay may bitbit na karanasan sa pambansang koponan laban sa Maharlika na lumipat ng tahanan galing Maynila.
Maglalaro ng isang round o tig-14 beses ang mga koponan at ang may pinakamataas na kartada ng kokoronahan sa Hulyo. Ang kampeon ng PFL ang kakatawan sa bansa sa 2024-2025 AFC Champions League 2 at sa 2024-2025 Shopee Cup ASEAN Club Championship.
Comentários