Maaari lamang bigyan ng preventive suspension ang empleyado kung nakapagdulot ito ng banta sa...
- BULGAR

- Jan 11, 2021
- 2 min read
Buhay ng employer
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 11, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang trabaho ng aking kapatid ay taxi driver. Isang araw, nawala niya ang susi ng taxi na kanyang minamaneho. Galit na galit ang kanilang kumpanya nang malaman nila ang tungkol dito kahit may duplicate na susi sila nito. Makalipas ang ilang araw, nakatanggap ang aking kapatid ng memorandum mula sa kanyang kumpanya na nagpapabatid na siya ay sasailalim sa preventive suspension. Mayroon bang basehan para sa nasabing suspension ang kanilang kumpanya? – Liselle
Dear Liselle,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Section 8, Rule XXIII, Book V, ng Implementing Rules of the Labor Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:
“Section 8. Preventive suspension. – the employer may place the worker concerned under preventive suspension if his continued employment poses a serious and imminent threat to the life or property of the employer or his co-workers.” (Binigyang-diin)Batay sa nabanggit na probisyon ng batas, ang empleyado ay maaaring ilagay sa preventive suspension kung ang kanyang patuloy na pagtatrabaho ay nagdudulot ng seryoso at nalalapit na banta sa buhay o pag-aari ng kanyang employer o ng kanyang katrabaho. Batay sa nasabing pangyayari, walang basehan ang kumpanya sa paglagay sa inyong kapatid sa preventive suspension sapagkat ang pagkawala niya ng susi ng taxi na kanyang minamaneho ay hindi maituturing na seryoso at napipintong banta sa buhay o pag-aari ng kumpanya na kanyang pinagtatrabahuhan lalo na kung may duplicate na susi sila ng nasabing sasakyan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments