Maaari bang gamitin para sa sariling produkto ang lalagyan ng ibang produkto?
- BULGAR

- Aug 26, 2020
- 1 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 26, 2020
Dear Chief Acosta,
Balak naming magsimula ng negosyo ng kapatid ko kung saan ay magbebenta kami ng sukang gawa ng aming pamilya. Maaari ba naming gamitin ang mga pinaggamitang bote para gawing lalagyan ng aming suka kahit na ang mga ito ay may tatak ng ibang produkto? – Morgana
Dear Morgana,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinalakay ng ating Korte Suprema sa kaso ng Republic Gas Corporation vs. Petron Corporation (G.R. No. 194062 – June 17, 2013, Ponente: Honorable Chief Justice Diosdado M. Peralta), kung saan ipinaliwanag na:
“the mere unauthorized use of a container bearing a registered trademark in connection with the sale, distribution or advertising of goods or services which is likely to cause confusion, mistake or deception among the buyers or consumers can be considered as trademark infringement.” (Binigyang-diin)Samakatwid, ang paggamit ng container na may tatak ng ibang kumpanya o produkto ay maaaring makapagdulot ng kalituhan, pagkakamali o panlilinlang sa mga bumibili na maaaring gawing basehan ng kaso ng trademark infringement.
Ibig sabihin, maaari kayong makasuhan ng trademark infringement kung gagamitin ninyo sa pagbebenta ng inyong produkto ang mga lalagyan na may tatak ng ibang produkto o kumpanya, sapagkat ito ay maaaring makapagdulot ng kalituhan, pagkakamali o panlililang sa mga bumibili.
Nawa ay nasagot naming ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi naming dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments