top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

M. Mla., lubog na naman sa baha, DPWH at MMDA, 'wag patulug-tulog sa pansitan

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 14, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 14, 2023


Matindi ang naging epekto nitong nagdaang low pressure area (LPA) at southwest monsoon o habagat sa maraming lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular sa buong Metro Manila na nagdulot ng sobrang bilis nang pagtaas ng tubig-baha.


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang naturang LPA ay sumentro sa bahagi ng 295 kilometer east ng Infanta, Quezon ngunit inabot ng pulo-pulong pag-ulan ang Metro Manila.


Ngunit kapansin-pansin na kahit hindi tuluy-tuloy ang pag-ulan ay sobrang bilis nang pagtaas ng tubig-baha na kung ikukumpara sa mga nagdaang tag-ulan ay tila mas napakabilis tumaas nito sa kabila ng paghahanda ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).


Naaalala ko noong nakaraang Marso 8, 2023 ay ipinatawag natin sa Senado ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na posibleng makatugon sa mga problema sa imprastraktura sakaling magkaroon ng kalamidad at kabilang dito ang DPWH.


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works ay isa-isa nating hinimay ang mga suliranin at kabilang na nga rito ang dapat na paghahanda sakaling dumating ang mga kalamidad tulad ng pagragasa ng bagyo at malakas na pagbuhos ng ulan.


Dito ay buong giting na ipinagmamalaki ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na handang-handa na umano ang kanilang ahensya, maging ang mga pumping station sa buong National Capital Region (NCR) ay handa na rin na may “100 percent” capacity para sa darating na tag-ulan.


Dahil sa pahayag na ito ng DPWH, marami sa ating mga kababayan ang nakampante sa kapuri-puring paghahanda na ito na biglang naglaho matapos na bumuhos ang ulan noong nakaraang Huwebes na naging sanhi ng mga pagbaha sa napakaraming lugar sa Metro Manila.


Kung tutuusin, hindi naman natin mapipigil ang malakas na pagbuhos ng ulan at maging ang pagbaha ngunit hindi dapat na napakabilis ng pagtaas ng tubig pero napakatagal ng paghupa at meron pang hindi talaga humuhupa hanggang ngayon.


Dahil sa mga pagbaha, nagdulot ito ng kakaibang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na hindi naman natin nararanasan sa mga ordinaryong araw -- ibig sabihin may mga kakulangan sa paghahanda laban dito.


Isa pa, hinahanap din ng mga tao ‘yung sinasabi ng DPWH na kabuuang 13,224 flood control structures na inihanda nila sa buong bansa, kasi kung talagang ayos na ito, posibleng hindi sapat dahil nangyari pa rin ang mabilis na pagbabaha.


Pinakamalala ang naging sitwasyon sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) na halos maghapong hindi umuusad mula sa bukana ng Laguna na humaba hanggang Crossing, EDSA, ang pila ng mga sasakyan.


Ang dahilan, may mga mabababang bahagi ng kalsada na lubog din na kung bibigyang pansin natin ang espekulasyon ng mga nakatenggang motorista ay posible umanong puro barado ang mga daluyan ng tubig.


Ang nakakarindi, napakamahal ng ibinabayad ng mga motorista na dumaraan sa kahabaan ng SLEX tapos d’yan pa mismo matetengga dahil baha din ang maraming bahagi ng kalsada na dapat ay maayos ang maintenance.


Marami kasi ang galing sa mga lalawigan patungong Manila ang nagpasyang kumain sa loob ng sinasakyang bus dahil sa gutom habang napakarami ng ating mga kababayan ang mas minabuti pang maglakad patungong EDSA dahil hindi umuusad ang mga sasakyan.



Tukoy na naman kung saan-saan ‘yang mga binabahang parte na ‘yan, ang dapat lang talaga ay inspeksyunin, matukoy ang problema at bigyan ng kaukulang aksyon para hindi na maulit ang mga ganitong pagdurusa ng ating mga kababayan sa grabeng traffic.


Kaya kinakalampag natin ang MMDA at DPWH na dapat ay agad na kumilos dahil wala naman ibang puwedeng pukpukin dito kundi sila at sila rin naman ang pupurihin kung maayos ang kanilang trabaho.


Mas mabuti na kasing hangga’t maaga ay aksyunan ito kesa makarating sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) ang mga ganitong insidente at siya pa ang magalit para lamang magsigalaw ang lahat.


Sabagay, sa ayaw at sa gusto ng MMDA at DPWH tiyak na hahanapan sila ng taumbayan ng paliwanag kung bakit bukod sa naglipana ay napakataas pa ng mga tubig-baha na maghapong hindi agad humupa kahit tumigil na ang pag-ulan.


D’yan naman mahuhusay ang dalawang ahensyang ito -- ang magbigay ng kumbinsidong paliwanag kung bakit nangyari ang lahat ngunit hindi ‘yan ang kailangan ng mamamayan kundi ang mabilis na aksyon para hindi na maulit ang mga pagbaha.

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page