Lunod at aksidente sa kalsada tuwing Semana Santa, nakababahala na
- BULGAR
- Apr 11, 2023
- 1 min read
@Editorial | April 11, 2023
Iniulat kahapon ng Philippine National Police (PNP) na umabot na sa 72 ang bilang ng mga nasawi mula sa pagkalunod at aksidente sa kalsada noong panahon ng paggunita ng Semana Santa.
Ayon sa pulisya, naitala ang mga ito sa mga lalawigan ng Ilocos, Cagayan, Central Luzon, at Calabarzon.
Patuloy ang pagpapaalala sa lahat ng mga turista at motorista na magdoble-ingat. Sundin ang mga traffic rules at speed limits upang maiwasang madawit sa mga vehicular accidents.
Bantayang maigi ang mga bata tuwing family outing at iwasan ang grabeng paglalasing habang nagsu-swimming upang maiwasan naman ang mga insidente ng pagkalunod.
Huwag naman sanang mangyari na tuwing Semana Santa o bakasyon ay may buhay na nawawala.
Puwede namang magsaya nang hindi nalalagay sa alanganin ang ating buhay. Huwag magpabaya at ‘wag makalimot.
Sa ngayon, tiyak na nag-iisip na rin ng paraan ang mga awtoridad kung paano mas mapapaigting ang seguridad sa mga ganitong panahon.
Tayo naman bilang mamamayan, bukod sa pagsuporta sa kinauukulan, ang pinakamabuti talagang gawin ay ang maging responsable sa ating mga kilos.


Comments