Lumutang si Salvaña o Herbosa bilang DOH Secretary, Fr. Austriaco bilang DOST Head — Concepcion
ni Fely Ng - @Bulgarific | June 3, 2022

Hello, Bulgarians! Habang pinupuri ang administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagbuo ng economic team, idiniin ni Presidential Adviser for Entrepreneurship and Go Negosyo Joey Concepcion na ang susunod na kalihim ng Department of Health (DOH) ay may mahalagang papel sa pagtiyak na ang papasok na pamahalaan ay magpapatuloy sa pagsisikap laban sa COVID-19 pandemic.
Upang maipagpatuloy ang mga sinimulan ng gobyernong Duterte, iminungkahi ni Concepcion na si Dr. Edsel Salvana o Dr. Ted Herbosa ang nararapat maitalaga bilang susunod na Kalihim ng DOH.
Si Salvana ay miyembro ng DOH Technical Advisory Group at Direktor ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology sa National Institutes of Health sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila. Habang si Herbosa ay kasalukuyang medical adviser ng National Task Force Against COVID-19. Kasabay nito, iminungkahi ni Concepcion na maibigay ang Department of Science and Technology (DOST) portfolio sa molecular biologist at OCTA Research fellow na si Fr. Nicanor Austriaco, na may malawak na karanasan sa larangan ng agham at teknolohiya na makadagdag sa kampanya ng DOH sa COVID-19 ng kinakailangang kaalaman na makatutulong sa pagwawakas sa pandemya.
“I believe that with either of them at the DOH helm will help the government keep COVID-19 under control and maintain our health in good standing which will keep our economy running at full capacity, I have worked with all 3 and I have to say they are all qualified for the DOH and DOST positions,” pahayag ni Concepcion.
Nauna nang pinuri ni Concepcion si Marcos, Jr. sa pagtatalaga kay Alfredo “Fred” Pascual bilang incoming Secretary ng Department of Trade and Industry (DTI). Sinabi ni Concepcion na si Marcos, Jr. ay gumawa ng mahusay na pagpili sa paghirang kay Pascual bilang kanyang DTI Chief, na isang patunay ng kanyang pangako na magbibigay ng sapat na suporta sa MSMEs.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments