top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Lumahok at magtamo ng kaalaman sa serye ng webinar kaugnay ng pagdiriwang ng buwan ng wika 2021

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 4, 2021
  • 2 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | August 04, 2021



Hello, Bulgarians! Inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang lahat na lumahok at magtamo ng kaalaman sa Serye ng Webinar kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021. Ang tema ng pagdiriwang sa taong ito ay “Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”


Pangungunahan ng KWF ang pagdiriwang alinsunod sa itinakda ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, na nagpapahayag ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing 1 hanggang 31 Agosto.


Tampok sa serye ng webinar ang mga dalubhasa sa wika, panitikan at kultura. Ang unang serye ay gaganapin sa 2 Agosto na may paksang “Wikang Katutubo: Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katutubo” na ang magiging tagapanayam ay si Prop. Patrocinio V. Villafuerte, isang retiradong propesor at ginawaran ng Dangal ng Panitikan (2020) ng Komisyon sa Wikang Filipino.


Ang ikalawang serye ay nakaiskedyul sa 9 Agosto, na may paksang “Wikang Katutubo: Wika ng Lahi, Wika ng mga Bayani” na tatalakayin ni Dr. Dexter B. Cayanes ng Pamantasang De La Salle-Laguna.


Ang ikatlong serye ay nakatakda sa 16 Agosto na may paksang “Wikang Filipino: Bigkis ng Magkakalayong Pulo” na ang tagapagsalita ay si Prop. Alvin Ringgo C. Reyes, Tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad ng Santo Tomas.


Ang ikaapat na serye ay gaganapin sa 25 Agosto na may paksang “Mga Wikang Katutubo sa Pagbuo ng Pambansang Panitikan” na tatalakayin ni Prop. Eros S. Atalia ng Pamantasang De La Salle-Laguna.


Sa pampanid na lektura sa 25 Agosto, tatalakayin ni Dr. Felipe M. De Leon Jr., dating Tagapangulo at Komisyuner para sa mga Sining ng NCCA, ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa na “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”


Ang serye ng webinar ay live na mapapanood sa opisyal na Facebook Page ng Komisyon sa Wikang Filipino batay sa iskedyul mula 10:00 nu–12:00 nt.


Ang aktibidad ay bahagi ng mga gawaing pangwika ng ahensiya bilang pagtupad sa tungkuling magsagawa ng mga programa upang matiyak ang higit pang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at iba pang wika ng Pilipinas.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page