LTO-NCR, nasunog

by Jeff Tumbado @News | September 21, 2026

Photo: Phil-Chinese Golden Wild Fire&Rescue Volunteer Inc
Tinatayang nasa P30,000 halaga ang napinsalang mga kagamitan sa sumiklab na sunog sa tanggapan ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) sa Araneta Avenue, Quezon City, nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), dalawang computer at dalawang mesa ang natupok sa sunog na nagsimula alas-11:14 ng umaga sa isang opisina sa ikatlong palapag ng gusali.
Itinaas sa ikalawang alarma ang insidente bago tuluyang naapula ng mga bumbero alas-12:04 ng tanghali.
Sinabi ng BFP na kabilang sa mga tinitingnang posibleng dahilan ng sunog ang electrical
short circuit.
Hindi na kumalat ang apoy sa iba pang bahagi ng gusali.
Ayon naman kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, walang mahahalagang personal records ang nasunog sa insidente.
Aniya, ang mga natupok na computer ay ginagamit para sa inventory ng distribution ng mga plaka.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan dahil sarado ang tanggapan nang mangyari ang sunog nitong Linggo.
Inaasahang babalik sa normal ang operasyon ng LTO-NCR ngayong araw ng Lunes, Setyembre 21.





Comments