Humawak sa Mahayhay-Tuburan Road project, ilantad

ni Mylene Alfonso @News | September 21, 2026

Photo: Mahayhay to Tuburan Road project - DPWH-PCMA
Naniniwala si Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas na dapat malinaw na maipakita ng kumpletong records ng Mahayhay-Tuburan Road project kung sino ang aktuwal na lumahok sa pagpili ng contractor, pagpapatupad ng proyekto, pag-certify ng accomplishment nito, at pagproseso ng mga bayad.
Ang pahayag ay kasunod ng pinakahuling press briefing ng Office of the Ombudsman noong Biyernes ng hapon, kung saan tinalakay ang nakabinbing preliminary investigation na kinasasangkutan ni Matugas at ng kanyang anak na si dating Congressman Francisco “Bingo” Matugas II kaugnay ng road project sa Del Carmen, Surigao del Norte.
Kapwa naghain na sina Lalo at Bingo ng kani-kanilang counter-affidavit sa Ombudsman kaugnay ng preliminary investigation.
Ani Matugas, dapat malinaw na maipakita ng project records ang aktuwal na papel, kung mayroon man, ng bawat taong iniuugnay sa transaksyon.
Sa mga records kaugnay ng usapin, nakasaad na ang Boometrix Development Corporation ang private contractor ng road project.
Nakasaad din dito na sina Ronald Abejo at kanyang asawang si Princess Abejo ang principal shareholders ng kumpanya. Kamag-anak ng pamilya Matugas si Abejo.
“Ang pagiging kamag-anak ng mga may-ari ng isang kumpanya ay isang bagay. Ang pakikilahok sa isang partikular na proyekto ng gobyerno ay ibang usapin. Dapat maipakita ng mga dokumento ang papel ng bawat indibidwal,” ani Matugas.
Ayon sa corporate records na binanggit sa mga dokumentong may kaugnayan sa usapin, hindi incorporator, shareholder o officer ng Boometrix sina Lalo at Bingo.
“Handa kaming sagutin ang mga isyu at iharap ang mga kaukulang dokumento. Ang hinihiling namin ay itapat ang bawat alegasyon sa ebidensya at sa taong aktuwal na gumawa ng aksyong kinukuwestiyon,” dagdag ni Matugas.





Comments