LTO at PNP-HPG joint forces vs. road rage
- BULGAR
- Sep 14, 2023
- 1 min read
@Editorial | September 14, 2023
Kapansin-pansin ang halos sunud-sunod na kaso ng road rage.
Tipong ‘di pa man nagpapang-abot ang mga sasakyan, naghahamunan na ang mga drayber na nauuwi pa sa panunutok ng baril. Bagay na puwede naman sanang madaan sa maayos na usapan at hindi sa angasan.
Kaugnay nito, umaasa ang Land Transportation Office na mas lalong matututukan ang mga insidente ng road rage dahil nakipag-partner na ito sa Philippine National Police-Highway Patrol Group.
Mas matututukan na nila ang profile ng mga tsuper, lalo na ang mga indibidwal na nag-a-apply ng lisensya.
Sa tulong ng HPG, naniniwala ang LTO na matutukoy nila ang mga drayber o mga aplikante na ‘deserving’ na mabigyan ng lisensya.
Matatandaang una nang sinabi ng LTO na nakipag-partner ito sa PNP-HPG sa kagustuhang matugunan ang mga nangyayaring pagwawala sa mga kalsada na kinasasangkutan ng mga motorista.
Nais anila ng LTO na makabuo ng maayos na database na siyang magagamit sa naturang hakbang.
Kaya sa mga maiinit ang ulo sa kalsada, magbago na kayo bago pa masampulan.
Bago umalis, magbaon ng pasensya hindi baril, plis lang! Isa lang ang buhay at laging isipin na may pamilyang naghihintay sa atin tuwing aalis tayo ng bahay. Kung masangkot sa aksidente o muntik nang mapahamak o makapahamak, walang masama kung magsosori saka pag-usapan kung sino talaga ang may mali, panagutin nang naaayon sa batas, tapos ang problema.



Comments