‘Love scam’ victims, ‘di dapat matakot lumantad
ni Ryan Sison - @Boses | February 16, 2022
Pamilyar na tayo sa “love scam”.
Karaniwang target dito ay ang mga single o hiwalay sa asawa, at minsan, ang mga senior citizen.
Bagama’t may mga nagre-report na sila’y naloko, ang tanong, lahat ba ng nabiktima ay may lakas ng loob na magsumbong sa mga kinauukulan?
Kaugnay nito, iniulat ng cybersecurity firm na Kaspersky na dumarami ang mga biktima ng online love scam sa Southeast Asia.
Ayon pa sa kompanya, walang ginagamit na kakaibang teknolohiya ang mga kawatan sa love scam at base sa kanilang datos, isa sa bawat dalawa o halos kalahati sa 1,600 survey respondents nila ang nawalan ng pera dahil sa love scam.
Kabilang sa mga biktima ang isang dating overseas Filipino worker na nagpadala ng P40,000 para sa babaeng nakilala nito sa Facebook. Limang buwan pa lang silang magkasintahan ng makumbinsi ito na magpadala ng pera para makapagpagawa umano ng bahay ang nobya para sa kanila. Ngunit matapos magpadala ng pera ay na-ghost siya ng kanyang kasintahan.
Samantala, ayon sa Philippine National Police (PNP), aabot na sa 100 kaso ng love scam ang na-report sa kanila, ngunit giit ng anti-cybercrime group, maaaring underreported ang krimen dahil nahihiya ang mga biktima.
Dahil dito, nagbigay-babala ang pulisya upang maiwasan ang modus. Ang payo nila, huwag agad magtiwala sa mga taong nakikilala sa internet at ‘wag magpadala ng pera sa mga hindi kilala.
Bagama’t hindi natin masisisi ang mga biktima, ang tangi nating magagawa ay patuloy na bigyang-babala at paalala ang taumbayan, lalo na ‘yung mga aktibong naghahanap ng dyowa online. Baka kasi imbes na karelasyon ang mahanap, eh, sakit pa ng ulo at bulsa ang makita n’yo.
At sa mga nabiktima, ‘wag sana kayong matakot magsumbong dahil hindi lamang ito aral para sa inyo kundi magsisilbi rin itong babala sa taumbayan na may ganitong uri ng panloloko at hindi basta dapat magtiwala sa mga nakikilala online.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments