Love scam talamak, ingat!
- BULGAR
- Sep 8, 2023
- 1 min read
@Editorial | September 8, 2023
Matapos ang pagsalakay sa isang cyberscam hub sa Pasay City noong nakaraang buwan, natuklasan ngayon ng mga awtoridad ang ilang istayl ng mga scammer.
Ayon sa mga awtoridad nadiskubre na mukha ng mga sikat na artista at influencer ang ginagamit na profile photo ng grupong nagsasagawa ng love scam kung saan, pawang mga dayuhan ang binibiktima.
Paliwanag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), nang suriin ang nasa 3,000 cellphones na nakumpiska sa nasabing cyberscam hub, mga piktyur ng artista at influencer ang ginagamit at pinapalitan lang ang pangalan. Iba-iba ang larawan na naka-folder base sa activities ng mga artista at influencer, para kapag nagtanong umano ang biktima kung ano ang ginagawa ng kausap ay may naipapakita sila.
Hanggang sa kapag nakuha na ang loob ng biktima, doon na hihiritan ng pera na kunwari ay may iniaalok na negosyo. At kapag nakapagpadala na, tagumpay na naman ang sindikato.
Sa ngayon, inaalam na umano ng PAOCC kung saan napupunta ang pera na nakukuha ng grupo sa mga biktima, kaya mahalaga ang digital forensic examination. Umaasa tayo na agad na matutunton ang lahat ng nasa likod ng panlolokong ito.
Sa atin namang mga babad din online, doble-ingat sa mga pini-friend. Ang love scam ay hindi lang ginagamit sa mga foreigner kundi maging dito rin sa atin. Nakamasid lang ang mga scammer at naghihintay ng pagkakataon para umatake. Tipong kapag may naispatan silang netizen na medyo emotionally unstable, du'n na sila papasok.



Comments