Love pa rin ng mga Pinoy si Digong kahit binaon sa utang ang bansa
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 12, 2022
EX-P-DIGONG, LOVE PA RIN NG MAMAMAYAN KAHIT BINAON SA UTANG ANG 'PINAS—Breaking ang balitang tumakas sa Sri Lanka presidential palace ang pangulo ng bansang ito na si Pres. Gotabaya Rajapaksa, matapos salakayin ng mamamayan na galit na galit sa kanya dahil sa pagkabangkarote ng kanilang pamahalaan.
Ang tindi talaga ng galit ng mamamayan ng Sri Lanka sa kanilang pangulo kasi ibinaon nito sa utang ang kanilang bansa dahilan upang bumagsak ang ekonomiya at mabangkarote ang kanilang pamahalaan na nagdulot kaya tumaas ang presyo ng mga bilihin at bayarin.
Ang nangyaring paglusob ng mamamayan ng Sri Lanka sa presidential palace ay malabong mangyari sa Pilipinas kasi iba na ugali ng mayoryang Pinoy ngayon dahil sa kabila na last year pa nababalita na sobrang baon na sa utang ang Pilipinas, mataas na rin ang presyo ng bilihin at bayarin, pero ang mayoryang Pilipino ay love na love pa rin si ex-P-Duterte.
◘◘◘
HUWAG SANANG MANGYARI NA TUMAAS NA NAMAN ANG INFLATION RATE NG 'PINAS—Nagbabala si senior economist Nicky Mapa na mas tataas pa ang 6.1% inflation rate sa Pilipinas, na ibig sabihin ay magkakaroon pa ulit ng mga pagtaas sa presyo ng mga bilihin, bayarin at pamasahe sa mga susunod na buwan.
Nakupo, huwag naman sanang mangyari na madagdagan pa ang pagtaas ng inflation rate kasi baka hindi na kayanin ng mamamayan ang sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, bayarin at pamasahe, boom!
◘◘◘
ECONOMIC TEAM NI P-BBM, DAPAT MAGPAKITANG-GILAS NA—Sa totoo lang, ang dami nang dumaraing sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, kaya't dapat hanapan na ito ng solusyon ng mga miyembro ng economic team ni Pres Bongbong Marcos (P-BBM).
Dapat, ang ginawa ng Marcos economic team, pag-upo pa lang ni P-BBM ay nagpakitang-gilas na sila, isinapubliko na nila ang kanilang mga gagawin kung paano mapapaunlad ang ekonomiya ng bansa nang hindi tumataas presyo ng mga bilihin, bayarin at pamasahe.
◘◘◘
PAGTAMA NG COVID-19 KINA P-BBM AT SEC. REMULLA, PATUNAY NA NANALASA PA RIN ANG COVID-19 SA BANSA—Matapos tamaan ng COVID-19 si P-BBM, tinamaan din ng COVID-19 si Justice Sec. Boying Remulla.
Patunay 'yan na nananalasa pa rin sa bansa ang COVID-19, kaya't panawagan natin sa mamamayan, patuloy na pairalin ang mga health protocols kasi kung darami na naman ang magkaka-virus sa 'Pinas, baka maobliga ang pamahalaan na magdeklara ng lockdown.





Comments