Lolo’t lola na wala pang bakuna, lagpas 3 milyon pa
ni Ryan Sison - @Boses | October 25, 2021
Sa kabila ng patuloy na vaccination program kontra COVID-19, nasa 80% na ng target population ang fully vaccinated sa National Capital Region (NCR).
Gayunman, umaabot pa sa 3.4 milyong senior citizens sa bansa ang hindi pa nababakunahan laban sa sakit. Dahil dito, iminungkahi ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa pamahalaan na idiretso na sa mga bahay ng senior citizens ang bakuna upang maturukan na ang mga ito at maging ang kanilang mga kasama sa bahay.
Apela pa ng mambabatas, hanapin at tuntunin ang mga senior citizens na hindi pa bakunado, hindi upang puwersahin kundi para kumbinsihin. Ngunit kung hindi naman sila mababakunahan, hiling nito na kahit ang mga tagapag-alaga at mga nakapaligid sa kanila ang maturukan.
Samantala, ayon sa World Health Organization (WHO), pinakamaraming unvaccinated na senior citizens sa Central Luzon, Southern Tagalog Region at Central Visayas.
Bagama’t nauunawaan aniya ang kapwa seniors na nag-aalangang magpabakuna dahil kahit kaunting lagnat ay kanila nang iniinda, nais nitong ipabatid na ang anumang side effects ng bakuna tulad ng panghihina o kaunting lagnat ay panandalian lamang at lilipas din.
Marahil, marami pa sa ating mga lolo’t lola na takot pa rin sa side effects ng bakuna, hindi pamimilit ang solusyon upang makapagpabakuna ang mga ito kundi mahaba-habang paliwanagan pa.
Matatandaang mula nang mag-umpisa ang vaccination program, ito na ang hamon para sa mga kinauukulan.
‘Ika nga, mas marami pang takot sa side effects ng bakuna kaysa sa mismong sakit. Kaya sa halip na magpabakuna, nakikipagsapalaran na lang.
Kaya panawagan sa mga eksperto at kinaukulan, habaan pa ang pasensiya. Huwag sana tayong mapagod magpaliwanag ng kahalagahan ng COVID-19 vaccine at ang proteksiyon na kaya nitong ibigay sa bawat isa sa atin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments