Localized suspension, sagot sa learning loss

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 15, 2026

Tuwing nakakaranas tayo ng mga kalamidad, madalas sinusundan ito ng pagsuspinde ng klase upang tiyakin ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral, mga guro, at mga kawani.
Kung hindi maaari ang face-to-face classes, ipinapatupad ng mga paaralan ang iba’t ibang paraan ng pagtuturo kagaya ng online learning upang tiyakin ang pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng sakuna.
Mahalagang itaguyod natin ang kapakanan ng ating mga mag-aaral tuwing nakakaranas tayo ng sakuna o kalamidad. Ngunit kung madalas nasususpinde ang face-to-face classes, nagkakaroon din ito ng pinsala: dahil nagdudulot ito ng learning loss o hindi pagkatuto ng ating mga mag-aaral.
Nitong nagdaang 30 araw lamang, hindi bababa sa 20 araw ng face-to-face classes ang nawala sa iba't ibang bahagi ng bansa dahil sa sunud-sunod na pag-ulan at pagbaha.
Dati na ring naglabas ng pag-aaral ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM) tungkol sa mga class suspensions. Ayon sa pag-aaral ng Komisyon, 30 hanggang 50 ang tinatayang bilang ng mga araw ng klase ang nawawala dahil sa pagsuspinde ng pasok dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang mga bagyo, tuluy-tuloy na pag-ulan, at matinding init. Kung ating babalikan, umaabot ng 180 araw ang kabuuan ng school calendar.
Nakakabahala ang saklaw ng hindi natutunan ng ating mga mag-aaral dahil sa madalas na pagsuspinde ng klase, lalo na’t patuloy nating hinaharap ang krisis sa edukasyon.
Kung nais nating masugpo ang nagpapatuloy na krisis na ito, hindi natin maaaring palagpasin ang bawat pagkakataong matuto at makahabol ang ating mga mag-aaral sa kanilang mga aralin.
Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod ang mas localized na pagsuspinde ng klase. Imbes na malawakang suspensyon ang ating ipatupad, ipatupad lamang natin ito sa mga lugar, mga distrito, o kaya naman ay mga komunidad na lubhang apektado ng mga sakuna.
Kung ligtas namang magpapatuloy ang edukasyon sa isang lugar, hayaan natin itong magpatuloy upang hindi mapag-iwanan ang mga mag-aaral sa lugar na iyon. Sa pagpapatupad ng localized suspension, dapat ipaubaya natin ang pasya sa punong-guro at sa mga local government units (LGUs), lalo na’t mas nauunawaan nila ang pangangailangan ng kanilang mga mag-aaral. Sa ganitong paraan, maitataguyod natin ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral habang tinitiyak na nagpapatuloy din ang edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments