top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Local offc’ls, ‘wag tutulog-tulog vs. super typhoon Betty

Writer: BULGAR
BULGAR
May 26, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 26, 2023


Ngayong Biyernes, posibleng maramdaman na natin ang unti-unting pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ng inaasahan nating super typhoon hanggang bukas, ayon mismo sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).


Marahil ay halos alam na natin ang pangambang dala ng naturang super typhoon dahil lahat ng radyo, telebisyon at social media ay ito ang pinag-uusapan, kaya sana ay huwag natin itong balewalain.


Mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang umano’y dala ng naturang bagyo kaya ang PAGASA ay walang humpay din sa pagbibigay ng babala sa posibleng flash floods at landslide na hindi naman bago sa ating bansa.


‘Mawar’ ang international name ng paparating na bagyo at pagsapit sa Pilipinas ay tatawagin na itong Bagyong Betty, kaya ilang araw na tayong nananawagan na dapat maghanda ang lahat dahil sa ulat na labis itong nanalasa sa Guam.


Lahat ng mga lugar na karaniwang binabaha ay dapat magpatupad ng matinding paghahanda kabilang na ang mga supply na kakailanganin at maging ang mga drainage ay dapat malinis upang makadaloy nang husto ang buhos ng ulan.


Oo nga’t naghahanda rin ang pamahalaan, ngunit dapat sa mga sarili natin magsimula ang pag-iingat at huwag nang maging matigas ang ulo ‘pag pinalilikas na dahil ang karaniwang nangyayari ay hindi agad lumilikas hanggang sa abutin na ng sakuna.


Noong nakaraang Martes pa tayo nananawagan sa publiko na maghanda dahil ang hangad natin ay walang masawi o masaktan —dapat zero-casualty nationwide.


Isa sa mga una nating kinalampag ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang hindi na mabigla sakaling lumala ang sitwasyon.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Public Works, paulit-ulit kong sinasabi na kailangan nating maging proactive sa halip na maging responsive dahil mahirap magsisi sa huli tulad ng mga nagdaan nating karanasan sa Bagyong Ondoy atbp.


Ang nais ko lang namang matiyak ay ang integridad ng mga pampublikong imprastruktura at siguraduhin na bawat tulay, daan, gusali, at iba pa ay nasa maayos na lagay upang walang mapahamak.


Dapat sa panahong ito ay natapos na ng DPWH ang ating hinihiling na magsagawa ng inspeksyon upang kahit paano ay maibsan ang pangamba ng ating mga kababayan na ilang araw nang tensyonado.


Dapat naibaba na ang mga tarpaulin ng mga naglalakihang billboard, lalo na sa kahabaan ng EDSA at iba pang lugar dahil posibleng madamay ang iba pang istruktura kung liliparin ito dahil sa hagupit ng hangin.


Mas magandang isaayos na ang lahat ngayon pa lamang at ipagbawal na ang mga delikadong istruktura, dahil hindi man sa paghiling ay tiyak na may mga susunod pang bagyong darating para mabawasan na tayo ng aayusin tuwing may paparating na bagyo.


Maging ang mga nakatalaga sa pag-aayos ng mga bumagsak na poste at naputol na mga kable ng kuryente ay dapat na ring maghanda upang pagkatapos ng unos ay nagsisimula na agad isaayos ang lahat.


Karaniwan kasi ay tumatagal pa ng ilang linggo bago maitayo ang mga poste, lalo na sa mga lalawigan at nagdurusa ang ating mga kababayan na walang kuryente dahil sa kakulangan ng paghahanda.


Nakakatuwa ang DSWD dahil agad silang tumugon sa ating panawagan at agad nagpakita ng kahandaan sa mga ipamimigay nilang relief packs, siguraduhin lang nilang ligtas din ang mga ipamamahagi at hindi masayang dahil nabasa ng ulan o nabaha.


Sa DSWD kasi nakasalalay ang buhay ng marami nating kababayan pagkatapos ng sakuna at sila ang ating kaakibat sa pamamahagi ng tulong at umaasa tayo na handang-handa na ang ahensyang ito.


Sana, huwag tutulug-tulog ang ating mga magigiting na opisyales sa barangay, kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, NDRRMC at Office of Civil Defense, lalo na ang mga local government units na silang unang reresponde sa ating mga kababayan kaya dapat umanong magtulungan at maging mapagmatyag.


Gaanuman katindi ang paparating na bagyo, hindi na ito bago sa karanasan ng mga Pilipino kaya sana ay gamitin natin ang ating mga naging karanasan para hindi tayo mapahamak.


Sakali mang lumihis ang paparating na bagyo at sabihin pa nilang overkill ang ginawa nating paghahanda, wala namang problema dahil wala namang nawala sa atin—ang masaklap ay mabulaga tayong lahat dahil sa binalewala natin ang mga babala.


Mas mabuting magligpit ng mga hindi nagamit na kagamitan kaysa magsalansan ng nakahilerang bangkay dahil nasawi sa ating kapabayaan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page