Liwliwa beach, planong ideklarang ‘danger zone’

by Jeff Tumbado @News | October 4, 2026

Photo: Ang pagpupulong ng Zambales Provincial Foreshore Lease Management Council (ZPFLMC) at Provincial Government sa pangunguna ni Zambales Governor Jun Ebdane Jr. sa planong pagsasara sa Liwliwa Beach. (Jeff Tumbado)
Balak ng pamahalaang panlalawigan ng Zambales ang tuluyang pagsasara at pagdedeklara ng "danger zone" sa sikat na beach destination na 'Liwliwa' at ilang bahagi ng coastal tourism area sa San Felipe.
Ito umano ang lumutang sa plano makaraan ang mga konsultasyon ng Zambales Provincial Foreshore Lease Management Council (ZPFLMC) kasama ang iba pang concerned government agencies.
Pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang kasalukuyang kalagayan ng mga beach resort sa San Felipe, partikular sa Sitio Liwliwa, kung saan may mga konkretong istrukturang itinayo sa loob ng tinatawag na accretion area ang unti-unting nilalamon o ang pagdaragdag ng lupa o buhangin dahil sa natural na pag-ipon ng sediment.
Ayon kay Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr., ilang residential house at resort building sa Liwliwa ang lumubog at napinsala ng dagat kasunod ng serye ng mga weather disturbance noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Ebdane na ang mga istrukturang itinayo sa loob ng accretion area ay tila “binawi ng dagat.”
Dahil dito, isinasaalang-alang ng lalawigan, batay sa rekomendasyon ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at Municipal Tourism Office, ang pagdedeklara sa Liwliwa bilang danger zone.
Layunin umano nitong maprotektahan ang publiko hanggang sa tuluyang maalis ang mga debris at iba pang mapanganib na materyales na nananatili sa ilalim ng tubig.





Comments