top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Liwanag at dilim sa buhay ng tao ngayong pandemya

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 29, 2022
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 29, 2022



“Dumarating ba ang ilaw para takban ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi!


Inilalagay ito sa patungan! Walang naililihim na hindi nabubunyag at walang tinatakpan na hindi mailalantad.” (Marcos 4:21-25)


Ito ang unang bahagi ng ebanghelyo noong Huwebes. Magandang muling tingnan ang biyaya at hamon ng “liwanag” sa kasalukuyang panahon ng patuloy na pagtatagisan ng liwanag at dilim, ng kabutihan at kasamaan, ng kadakilaan at kapalaluan.


Tuwing binabasa natin ang mga pahayagan, dalawang uri ng balita ang babati sa atin.


Una, ang maganda at nakatutuwa. Pangalawa, ang pangit at nakakasuya. Minsan, ayaw na halos nating tingnan at basahin ang mga pahayagan dahil sa dami ng pangit at nakakasuyang balita. Wala na bang magandang balita – balitang naghahatid ng galak at ibayong tulak sa kabutihan at kagandahang-loob?


Inagaw ang ating atensiyon ng nakatutuwang balita tungkol sa Pinay na mahalig gumuhit. Noong 2019, lumikha ng ilang drawing si Ma. Luisa “Lui” Ronquillo Hikong para gamitin sa Philippine stamps o selyong Pilipino. Nagtagumpay si Ronquillo at makikita ang ilan sa kanyang mga guhit sa ilan sa ating selyo.


At nagpatuloy siya sa paglikha hanggang sa may nag-udyok sa kanya na gumawa ng mga postcards. Dahil dito, gumawa ng iba’t ibang postcards ang batang alagad ng sining at isinilang ang mga Pinoy postcards ng sari-saring nilalang mula sa mitolohiyang Pilipino – tulad ng aswang, kapre, manananggal at tikbalang. Marami pang iginuguhit si Ronquillo, tiyak na uunlad at darami pa ang isisilang sa kanyang malikhaing isipan at mga kamay. At nakikilala na ang iba’t ibang nilikha ni Ronquillo bilang “Doodle ni Maria.”


Kasabay naman ng istorya ni Ronquillo, ang balita tungkol sa limang kalalakihang sangkot sa nakilalang “Mark Nagoyo Heist Group”, na nahuling tinatangkang ilabas ang pera ng 700 depositors ng BDO sa pamamagitan ng pag-hack ng mga naturang account.


Mabuti na lang at merong nag-tip sa NBI sa isinasagawa pa lamang na krimen bago ito magtagumpay. Nahuli ang lima na sina Jherom Anthony Taupe; Ronelyn Panaligan; Clay Revillos at dalawang Nigerian nationals na sina Ifesinachi Fountain Anaekwe at Chukwemeka Peter Nwadi.


Kapwa may ginawa ang dalawang uri ng tao – gumawa ng maganda at mabuti ang babaeng alagad ng sining, samantalang gumawa naman ng pangit at nakakasuya ang tatlong Pinoy na kasama pa ang dalawang banyaga.


Dalawa lang ba ang uri ng tao sa mundo? Ang gumagawa ng tama at ang gumagawa ng mali?


Ngunit sa totoo lang, merong pangatlong uri ng tao at tila mas marami ang uri nito. Sila ang mga uri ng tao na “walang anumang dating.” Hindi sila makikita at mararamdaman dahil halos wala silang ginagawang mabuti o masama.


Sila ang mga hindi magsasakripisyo sa paggawa ng mabuti o masama. Sa isang banda, mabuti pa ang gumagawa ng masama dahil mabilis makikita at sana’y maitutuwid ang kanilang masamang nagawa.


Merong nasusulat sa Pahayag 3:16: “Ngunit dahil ikaw ay malahininga – hindi mainit ni malamig – isusuka kita!”


Huwag tayong manood lamang. Tuklasin natin ang liwanag at kadakilaan sa ating kalooban – maging iba at kakaiba.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page