Livelihood Program ng gobyerno, palakasin at palawakin
@Editorial | August 16, 2023
Hindi talaga mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Masasabing malaking bagay ang ayudang ibinibigay ng gobyerno lalo na sa mga labis na apektado ng krisis pero, mas mainam kung pangmatagalang solusyon ang gagawin.
At sang-ayon tayo sa plano ng Department of Budget and Management (DBM) na magsagawa ng review sa mga livelihood program ng pamahalaan.
Una na umanong napansin na hiwa-hiwalay ang maraming livelihood program ng pamahalaan, at wala ring centralized implementation dito.
Ang nasabing plano ay sisimulan na umano ngayong taon at posibleng pagsapit ng 2025 ay isasailalim na lamang sa iisang sistema ang pagpapatupad ng mga nasabing proyekto.
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga malalaking proyekto ng gobyerno na naglalaan ng livelihood at iba pang social intervention para sa mga mahihirap na pamilya ay ang Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Kung mapagtutuunan sana ng pansin ang programa, mas mapapalakas at mapapalawak, kahit paano ay pare-parehong mababawasan ang pasanin ng mamamayan, ng mga nasa pribadong sektor at ng mismong gobyerno.
Likas na sa mga Pinoy ang pagiging matiyaga, malikhain at madiskarte, sadyang kapos lang sa oportunidad.
Kung may pagkakataon na malinang ang mga taglay na kakayahan at mabigyan ng puhunan bilang panimula, matutupad na ang pangarap na pag-asenso ng bawat pamilya.



Comments