Live-in partner na kapwa may strong number, makakatuluyan kung magpapaka-weak ang isa
- BULGAR
- Jul 5, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 05, 2021
Dear Maestro,
Malaki na ang dalawang anak ko, binata at dalaga na sila, ngunit hindi kami kasal ng kanilang ama at naghiwalay na kami, matagal na panahon ang nakakaraan. Sa ngayon ay may kinakasama ako na hiwalay din sa asawa dahil may iba nang lalaki ang misis niya. Gusto kong malaman kung ano ang magiging kapalaran namin habang kami ay nagsasama? September 17, 1970 ang birthday niya. Nais ko ring malaman kung kailan ako makakaahon sa mga problemang pampinansiyal? February 10, 1972 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Glo ng Iba Oeste, Calumpit, Bulacan
Dear Glo,
Sa totoo lang, nagtataka rin ako kung bakit ang Aquarius na tulad mo at Virgo na tulad ng lalaking kinakasama mo minsan ay pinagtatagpo ng tadhana gayung sa katotohanan ay hindi naman sila talaga gaanong compatible sa isa’t isa. Posibleng ang dahilan ay hindi ang zodiac sign na inyong tinataglay kundi ang mga numerong bumabalot sa inyong pagkatao.
Sa kaso mo at ng iyong kinakasama, pansining kapwa strong number ang birth date mong 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) at ang birth date na 17 o 8 (1+7=8) ng partner mo, kung saan ang basic rule sa Numerology — ang parehong strong number ay kusang naghihigupan ng lakas kaya hindi nila naiiwasang nagkakalapit talaga sila ng loob.
Sa madaling salita, kung mananatili o palaging may magpapaka-weak sa inyo, sa kabila ng kapwa strong number ang inyong mga birth date, siguradong magtatagal at magiging maligaya ang inyong relasyon.
Dagdag pa rito, kapag ang mag-asawang kapwa may strong number ay nagpasensiyahan talaga sa isa’t isa, palagi namang natatagpuan sa bandang huli na yumayaman, higit lalo sa panahong nagtatrabaho na sa abroad ang kanilang mga anak.
Ang eksaktong salita, nagtatrabaho na sa abroad ang kanilang mga anak o may kani-kanya nang negosyo, dahil karamihan sa mga mag-asawa na kapwa may strong number ay nagiging successful tulad ng nakapag-a-abroad ang mga anak. At dahil sa mga anak na nakapangibang-bansa o nakapagnegosyo, ang mga anak na ‘yun ang nagpapayaman at nagpapasagana ng kanilang kabuhayan.
Kaya sa pagbubuod ng pag-aanalisang ito, isa lang ang dapat tandaan ng mag-asawang kapwa nagtataglay ng strong number. Tandaang una, bago maging matagumpay at maligaya ang inyong samahan, babayuhin muna kayo ng maraming mga pagsubok, pero dahil pareho kayong may strong number, nand’yan ang pambababae ni mister o panlalaki ni misis.
Ngunit kapag nalampasan n’yo ang nasabing mga balakid o hindi kayo naghiwalay at nanatiling magkakapit-bisig at nagmamahalan at nagawa ng isa sa inyo ang magpaka-weak kahit strong ang numero niya, ibig sabihin ay walang masama kung medyo magpa-under sa asawa. Sa puntong ‘yun, unti-unting gigitaw ang maunlad, maligaya at masaganang pamumuhay, kasabay ng pagtatagumpay ng kanilang mga anak sa career at propesyon habambuhay.
Sa panahong ‘yun o sa taong 2025 at sa edad mong 53 pataas habang 55 naman si mister, tiyak ang magaganap — unti-unti ka nang makakaahon sa mga probelmang pampinansiyal hanggang sa tuluy-tuloy nang umunlad at yumaman ang inyong pamilya.




Comments