Listahan ng mga kandidato sa BPE, inilabas ng Comelec
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | May 17, 2026

Photo: File / Comelec
Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang listahan ng mga kandidato at nominado para sa nakatakdang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa Setyembre 14.
Ayon sa poll body, maaaring tingnan ng publiko sa opisyal na website ng Comelec ang listahan ng mga kandidato para sa parliamentary district representatives gayundin ang mga nominado ng Regional Parliamentary Political Parties (RPPPs) at Parliamentary Sectoral Organizations (PSOs).
Kabuuang 13 RPPPs ang kabilang sa listahan, kasama ang 30 nominado mula sa mga PSO.
Kabilang dito ang walong kinatawan ng settler communities, anim para sa kababaihan, tig-tatlo para sa kabataan at ulama, at sampu para sa traditional leaders.
Nasa listahan din ang 107 kandidato para sa parliamentary district representative na nahahati sa iba’t ibang lugar sa Bangsamoro region:
17 kandidato para sa apat na distrito ng Basilan;
10 kandidato para sa tatlong distrito ng Cotabato City;
33 kandidato para sa siyam na distrito ng Lanao del Sur;
11 kandidato para sa limang distrito ng Maguindanao del Norte;
16 kandidato para sa limang distrito ng Maguindanao del Sur;
pito para sa dalawang distrito ng Special Geographic Area; at
13 kandidato para sa apat na distrito ng Tawi-Tawi.
Hinimok naman ng Comelec ang mga kandidato, partido, at nominado na beripikahin ang kanilang mga pangalan na ilalagay sa opisyal na balota at tiyaking walang clerical o typographical errors.
Ayon sa Comelec, maaaring magsumite ng kahilingan sa kanilang Law Department para sa pagwawasto ng anumang clerical o typographical error sa pangalan na ilalagay sa balota hanggang Mayo 18, 2026.
Nilinaw din ng poll body na ang pagsasama sa listahan ay hindi nangangahulugang ligtas na ang mga kandidato o nominado sa anumang petisyong maaaring ihain laban sa kanilang kwalipikasyon sa Office of the Clerk of the Commission.
Dagdag pa ng Comelec, magsisilbi ring public notice ang inilabas na listahan kaugnay ng deklarasyon ng mga nominado hinggil sa kanilang kwalipikasyon.





Comments