Liquor curfew sa mga lugar na mataas ang rape case, isinusulong ni Sen. Imee
ni Lolet Abania | September 16, 2022

Hinimok ni Senator Imee Marcos ang Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) kaugnay sa posibleng pagpapatupad ng liquor curfew o curfew sa pagbenta at pagbili ng alak sa mga lugar na mataas ang insidente ng rape.
Sa ginanap na hearing nitong Huwebes ng Senate committee on public order and dangerous drugs, sinabi ni Imee na nakapagtala ang PNP ng kabuuang 149 krimen laban sa mga kababaihang estudyante.
Aniya, karamihan sa mga insidente ng sexual violence ay sa mga estudyanteng babae at mga batang babae sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Senadora, kadalasan itong nangyayari tuwing payday, fiestas, concerts, at iba pang public occasion, kung saan hindi maiiwasang may inuman at minsan may involve na droga.
“So siguro makipag-liaise na tayo sa ating mga LGU kung lalagyan ng curfew itong alcohol sales and purchases. Lagyan siguro ng hinto diyan doon sa mga lugar at mga dating laganap ang paggagahasa para hindi na po ito maulit,” giit ni Imee.
Hinikayat din ni Imee ang PNP na kontakin ng ahensiya ang kanilang international counterparts.
“Finally, may I make a plea to all of you in the PNP and the rest to contact your international counterparts… and I think it is important that we reach out to the ASEAN security network,” sabi ng Senadora.
“Paulit-ulit ang banggit natin… at patakbo-takbo lang ang mga POGO at sindikato diyan sa Cambodia at sa Pilipinas. Kung umiikot lang sila, eh talagang pinaiikutan tayong lahat,” dagdag pa ni Imee.





Comments