top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Lions at GEL ng Laguna, double winner sa NBL

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 4, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 4, 2023




Kambal na tagumpay ang inuwi ng mga kinatawan ng Laguna na Santa Rosa Lions at Tatak GEL Biñan sa 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup noong Linggo sa Angeles University Foundation. Pinigil ng Lions ang host KBA Luid Kapampangan, 92-74, habang kinailangan ng overtime ang Biñan bago masugpo ang DF Bulacan Stars, 104-100.


Determinado ang Luid at bumuhos ng 7 sunod-sunod na puntos upang buksan ang 3rd quarter at tumabla, 47-47. Mula roon ay biglang umarangkada ang Lions at lumayo papasok sa huling quarter, 71-64.


Ang huling talaan na 92-74 ay siya ring pinakamalaking agwat sa laro at pumantay ang kartada ng Lions sa 2-2. Napiling Best Player si kapitan Jeff Disquitado na kinalimutan ang kanyang pilay para sa 14 puntos habang nanguna sa atake si Jazzel Oliver Cardeno na may 18 puntos at mayroon silang apat na ibang kakampi na may 10 o higit na puntos.


Humabol ang Biñan mula sa pagkabaon sa 20-42 sa second quarter para sa unang panalo sa tatlong laro. Ipinasok nina Raymart Amil at Vinny Begaso ang huling apat na puntos ng 4th quarter upang tuldukan ang kanilang paghabol at ipilit ang overtime, 91-91.


Sa overtime ay bumanat na ang Tatak GEL at naka-shoot sa ilalim si Begaso galing sa pasa ni Clarence Bayani para maging 103-100 at 17 segundo ang nalalabi. May pagkakataon ang Stars subalit naagaw ang bola kay RV Jumaquio at napilitan bigyan ng foul si Bayani na ipinasok ang isa sa dalawang free throw para makamit ang nais na resulta.


Bunga ng kanyang mahusay na pag-ikot ng bola, nahirang na Best Player si Amil na may 13 puntos at 10 assist. Parehong double-double sina Danny Diocampo na 22 puntos at 11 rebound at Bayani na 20 puntos at 10 rebound habang nag-ambag ng 17 si Begaso.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page